NOONG nakaraang taon, humakot ng 154 awards ang mga programa at proyekto ng lungsod Quezon.
Mukhang magtutuluy-tuloy ang ganitong trend ngayong taon dahil sa loob lang ng isang linggo, umani ang ating lungsod ng iba’t ibang parangal dahil sa epektibong serbisyo na hatid natin sa QCitizens.
Nag-uwi ang Quezon City government Facebook page na pinatatakbo ng Public Affairs and Information Services Department (PAISD) ng Gold bilang “Most Innovative Facebook Page” sa 2023 Asia-Pacific Stevie Awards, na itinuturing na pangunahing business awards sa mundo. Ito ang kauna-unahang international award ng PAISD.
Noong Marso 30, iginawad ng International Climate Development Institute and ICLEI-Local Governments for Sustainability ang Best Practice of Innovative Technology sa “Trash to Cashback” program ng ating lungsod dahil sa magandang performance nito sa 2022 Global Smart Solution Report.
Mula nang inilunsad noong 2021, nakakolekta na ang programa ng mahigit 124,000 kilo ng recyclable waste na ipinalit ng QCitizens sa environmental points na puwede nilang gamiting pambili ng grocery o pambayad ng utility bills.
Dagdag pa rito, nakapag-uwi rin ang ating lungsod ng apat na award at citation mula sa Digital Governance Awards ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Nakuha ng ating Automated Document Delivery System ang pinakamataas na parangal sa Business Empowerment (G2B) City Level category, habang pumangalawa naman ang QC Biz Easy: Online Unified Business Permit Application System sa the Government Internal Operations (G2G) City Level category.
Pangatlo ang QC E-Services sa Customer Empower (G2C) City Level classification habang nakakuha ang siyudad ng Special Citation Award para sa ating Automated Document Delivery System sa ilalim ng Transformational and Disruptive Solutions City Level category.
Kinilala naman ang mga urban farmer leader ng siyudad sa ilalim ng Grow QC program sa Vietnam International Achiever Awards.
Pinarangalan ang Urban Farmers Federation, isa sa mga accredited na people’s organizations ng siyudad bilang Asia’s Most Innovative Urban Gardening of the New Millennium.
Naiuwi naman ni Lamberto Nolasco, isa sa mga kinatawan ng urban farmers People’s Council of Quezon City, ang parangal bilang Socio-Civic Leader and Advocate for Urban Development.
Mula noon, ang mga parangal na ito’y alay natin sa QCitizens, at nagsisilbing inspirasyon para pagbutihin pa ang ating paglilingkod.