EDITORYAL — Kaso ng dengue dumarami

WALA nang panahong pinipili ang pagdami ng kaso ng dengue. Kahit tag-araw, sumasalakay ang mga lamok na may dengue at sa isang iglap, marami ang nabibiktima. Ngayong naglalaho na ang nakamamatay na COVID-19, ang dengue virus naman ang nagbabantang maghasik ng lagim.

Sa report ng Department of Health (DOH), dumoble ang kaso ng dengue mula Enero hanggang Marso. Ayon sa DOH-Disease Surviellance Report, may na­italang 27,670 na kaso ng dengue na doble ang taas kaysa noong nakaraang taon na 14,278 at 100 ang namatay. Wala pa namang naitatalang namamatay sa dengue ngayong taon, ayon sa DOH.

Ang National Capital Region ang may pinakamara­ming kaso, 3,898 na sinundan ng Central Luzon, 3,053 at Davao region na may 2,707 kaso. Marami ring kaso sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), 2,699 at sa Northern Mindanao na may 2,380 kaso.

Posible pa umanong tumaas ang kaso ng dengue kahit mainit ang panahon dahil nadagdagan ang pina­ngingitlugan ng mga lamok tulad ng mga dram at timba na pinag-iimbakan ng tubig. Dahil sa kakapusan ng tubig, nag-iipon ang mamamayan ng tubig. Ipinapayo na takpan ang mga lalagyan ng tubig.

Ang dengue ay galing sa lamok na Aeidis Aegypti. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa itim at puting guhit sa katawan nito. Sa araw lamang ito nangangagat. Paboritong tirahan ng lamok ang mga basyo ng bote, goma o gulong na may istak na tubig, mga tabo o paso ng halaman. Nangingitlog din ang mga ito sa mga estero na hindi umaagos. Naninirahan din sa malalagong halaman. Ipinapayo na huwag mag­sasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay.

Palatandaan ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng ulo at katawan. Ipinapayo ng mga doktor na kapag naka­ranas ng ganitong sintomas, kumunsulta agad sa doktor para maagapan ang dengue.

Ang kalinisan sa loob ng bahay at kapaligiran ang susi para mapigilan ang pagkalat ng mga lamok. Ang pagbibigay ng gabay sa mamamayan ukol sa dengue ay nararapat namang paigtingin ng DOH. Magbigay ng inpormasyon sa mamamayan ukol sa dengue upang ganap na maiwasan ito. Marami pa rin ang salat sa ka­alaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo ang mga nasa liblib na lugar.

Kung naging masikap at handa ang DOH sa panahon ng pananalasa ng COVID-19, dapat ganito rin ka agresibo sa paglaban sa dengue.

Show comments