Artificial intelligence: pambisto at pangwasto

Dekada ’60 nagpaligsahan sa pagkuwenta ang batang Indian at mechanical adding machine. Simula sa 1+1=2, 2+2=4, 4+4=8, umabot sila sa mga numerong 6 digits. Sa isang punto, nilampasan ng bata sa bilis ang makina. Dekada ’70 lumabas ang electronic calculator. Hindi na matalo ng tao ang makina sa bilis magkuwenta.

Taon 1997, tinalo ng computer Deep Blue ang world chess champion. Taon 2015 dinaig ng computer Alpha ang world champion sa Go. Lumabas na rin ang aerial at marine unmanned vehicles, at driverless cars. Lahat ‘yan ay dahil hindi lang sa bilis, kundi pati lakas ng computer chips.

Panahon na ng artificial intelligence. Hindi na umaasa ang computer sa datos na pinapasok ng tao. “Natututo” na ito nang sarili sa pag-analisa ng mga datos. Una itong nagawa sa weather forecasting; ipinahula sa computer ang panahon batay sa daantaon na info. In-apply din sa wastong gamot batay sa kaalaman ng libu-libong doktor.

Gamit ang AI, kaya na rin ng makina gumawa ng iba pang makina. Kaya rin ng computer lumikha ng kuwento, tula, dula, awit, musika, painting, at sculpture. Iutos lang sa software, tulad ng ChatGPT, makakagawa na ng “orihinal” na nobela, kanta, drawing.

Nabisto ng history professor ang estudyanteng gumamit ng ChatGPT sa essay exam. Lihis kasi ang sagot, at walang lohika. Tinesting ng propesor ang essay sa dalawang AI detection apps: nabistong peke.

Pero ayon sa Technological Singularity Theory darating ang panahon na sobrang bilis at lakas na ng chips. Madadaig na nang lubos ang intelehensiya ng tao. Makina na ang gagawa ng lahat, pati ang pagbisto sa mga makinang namemeke. Idinadrama sa sci-fi movies na mukhang tao na ang robot; kapwa robot lang ang nakaaalam.

Mangyayari raw ‘yan simula sa taon 2045.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments