Bumabati muna ako ng isang belated happy Resurrection Sunday sa lahat. Ang tawag nang marami rito ay Easter Sunday pero mas angkop itong tawaging Linggo ng Pagkabuhay dahil ito ang pinakalundo ng misyon ng Panginoong Hesukristo na iligtas ang sanlibutan sa kasalanan.
Namatay siya sa krus ng kalbaryo at nabuhay matapos ang tatlong araw upang ang mga nananalig sa Kanya ay maligtas.
Ang kaligtasang ito ay hindi lamang para sa kaluluwa kundi para sa kagalingan ng ating katawang lupa sa ano mang karamdaman basta’t mayroon tayong pananampalataya.
Halos two weeks akong walang kolum at cartoon series sa PSN dahil matindi ang heart attack na may komplikasyon sa bato ang dinanas ko. Akala ko ay oras ko na, ngunit dahil sa panalangin ng mga kaibigan at kaanak na nagmamalasakit, pati na ang pamilya ko sa PSN, bumuti ang aking kalagayan at ngayon ay patuloy pa rin sa paggaling.
Pinasok ko na ang bagong kabanata ng buhay ko. Bagamat hindi ko na puwedeng kainin ang masasarap na pagkaing dati ko nang nakagawian, kung ang kapalit nito ay dagdag na taon sa buhay ko ay malugod kong tinanggap.
Salamat sa lahat ng nagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa akin pati na sa mga kawani ng Star Group sa pamumuno ng aking boss na si Miguel Belmonte.
Salamat lalo at papuri sa ating mahal na Ama sa Langit na nagpagaling sa akin sa pamamagitan ng bugtong niyang Anak na si Hesus.