EDITORYAL — Imahe ng PNP nasisira dahil sa mga ‘pulis droga’
NOONG nakaraang Oktubre 2022, naaresto ng mga pulis ang kabaro nila habang itina-transport ang halos 1-toneladang shabu sa Maynila. Nakasakay sa SUV ng pulis na si MSgt. Rodolfo Mayo ang shabu na may street value na P6.7 bilyon nang mahuli ng mga pulis. Arestado si Mayo na dating miyembro ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ng Manila Police District (MPD), Si Mayo ay nasa listahan ng ninja cops na pinangalanan ni dating President Duterte noong 2017. Itinapon si Mayo sa Mindanao. Pero makalipas ang isang taon, ibinalik siya sa PDEG. Ang kanyang dating superior umano ang humiling na maibalik ito sa PDEG.
Ang pagkakahuli kay Mayo ang naging daan para ipag-utos ni DILG Sec. Benhur Abalos kay PNP chief Rodolfo Azurin Jr. na maghain ng “courtesy resignation” ang mga matataas na opisyal ng PNP. Layunin ng courtesy resignation na ma-evaluate ang police officials. Isang team ang inatasang magsuri sa mga nag-resign. Maramimg opisyal ang sumunod sa kautusan nina Abalos at Azurin.
Pero nakapagtataka na hanggang ngayon, wala pang resulta ang ginawang pag-evaluate sa mga nag-resign. Hanggang kailan tatagal ang pag-evaluate? Habang nagsasagawa naman ng pagsusuri, patuloy ang pagkakasangkot ng mga pulis sa illegal na droga. Maraming pulis na nasa drug enforcement unit ang sangkot sa drug recycling. Tila ang pagpapa-resign sa mga ranking officials ay walang epekto sapagkat patuloy ang pagkalat ng droga. Pabalik-balik lang ang problema.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni DILG Sec. Abalos na isang ranking officials ang sangkot sa P6.7 bilyong shabu na nahuli kay Mayo. Hindi raw makakakilos ng nag-iisa si Mayo. Sabi ni Abalos, tiyak daw na may iba pang tao na sangkot sa drogang nakumpiska kay Mayo.
Bakit hindi pangalanan ni Abalos ang ranking officials? Para ano pa at pinag-resign ang mga matataas na opisyal kung hindi pa ibubulgar ang mga ito. Kailangang malaman na ang mga sangkot na PNP officials sa drug trade. Ang mga ito ang “salot” na sumisira sa PNP. Kailangang ibulgar para maisalba ang PNP sa tuluyang pagkasira.
- Latest