Puso ng kalikasan, puso ng Panginoon

Sohoton Caves at Natural Bridge sa Basey, Samar.

May sariling paraan ang kalikasan ng pagpapagaling sa mga tao. Ang matingkad na mga kulay nito ay kaaya-aya sa paningin at ang katahimikang dulot nito ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan. Kaya ang mapalibutan ng kalikasan ay napakagandang paraan para makapagpahinga ngayong Semana Santa.

Masuwerte ako't mistulang napaaga ang aking Holy Week nang sumama ako sa “Journey of the Heart” sa Samar at Leyte kasama ang mga supporter ng ABS-CBN Foundation. 

Nagulat kami sa mga magagandang tanawin at nabighani kami sa init ng pagtanggap ng mga tao sa mga komunidad. Itinatampok ng “Journey of the Heart” ng ABS-CBN Foundation ang mga kwento ng pag-asa at pagmamahal na ibinahagi sa iba't ibang komunidad sa mga ecotourism sites na sinusuportahan ng foundation.

Ang Sohoton Caves at Natural Bridge   

Isa sa mga lugar na binisita namin sa Samar ay ang Sohoton Caves at Natural Bridge. Ang nakatagong likas na yaman na ito sa Basey, Samar ay talagang nagpapamangha sa bawat turista, lalo na kapag nakita nila ang kahanga-hangang tanawin ng mga kuweba, ilog, limestone formation, talon, at tulay na bato. Ang natural protected area na ito na naging tourist spot ay nakatulong nang malaki sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga taga-Basey, Samar. Sa katunayan, sinamahan kami ng mga taga-Basey na nagsilbing tour guide rin namin sa buong biyahe.

Isa sa mga napakagagandang tanawin papunta sa Sohoton Caves.

Sumakay muna kami ng kayak mula sa aming starting point, ang Panhulugan cave. Inabot kami ng 15-20 minuto bago nakarating sa Sohoton Caves & Natural Bridge. Habang binabaybay mo ang ilog, hindi mo maiwasang mamangha sa natural nitong kagandahan.

Naantig ako, hindi lamang sa napakagandang kalikasan na ibinigay ng Diyos, kundi pati na rin sa kuwento ng mga komunidad sa lugar.

Si Kuya Marvin ay nagtatrabaho bilang boatman dito mula noong 2013 matapos ang matinding hagupit ng Bagyong Yolanda sa Samar. Kasama ang iba pang survivors, binuo nila ang Sohoton Service Cooperative (SSC) at nagtatrabaho sila ngayon bilang tour guides, restaurant staff, at motorboat operators. Ito ay proyekto ng ABS-CBN Foundation, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), gayundin ang iba pang non-government organizations.

Nakatutuwang isiping bagamat kalikasan ang sumira sa kanilang tahanan, ang kalikasan din ang bumubuhay sa kanila sa ngayon.

Si Kuya Marvin, isa sa mga nakaligtas sa bagyong Yolanda, ay nagtatrabaho na bilang bangkero sa Basey.

Ang aking biyahe kong ito sa Sohoton Caves ang isa sa mga pinakamagandang karanasan ko. Binigyan ako nito ng oras na huminto, magmuni-muni at payapang itigil ang anumang gawain.  Ito'y isang lugar na talagang sulit bisitahin anumang oras, kahit hindi Semana Santa.

Enjoy kaming lahat na pasukin at mag-explore sa Sohoton Cave.

 

Naniniwala talaga ako sa kasabihang; "Ang Diyos ay kalikasan." Hangga't mayroon tayong hanging malalanghap, tubig na maiinom, bundok na hahangaan, at dagat na malalanguyan, naririto Siya at ibinibigay sa atin ang biyayang itong nagbibigay ng tunay na kapayapaan at kaligayahan.

Anuman ang iyong aktibidad ngayong Semana Santa, sana ay huwag mong kalimutan ang tunay na dahilan kung bakit tayong lahat ay nagpapahinga --- para magbalik-tanaw at tanggapin ang mga maling nagawa natin, at humanap ng lakas ng loob na humingi ng tawad at itama ang mga bagay, kasama si Hesus na muling nabuhay kasama natin.

Hindi naming malilimutan ang aming “Journey of the Heart” kasama si ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak at ang ABS-CBN Foundation team na pinamumunuan ng Managing Director nitong si Berta Lopez Feliciano at Director for Advocacy Ernie Lopez

Para mas maramdaman ang aming Samar adventure, panoorin ito: https://www.tiktok.com/@titajingcastaneda/video/7218066300055194885.
----

Panoorin ang Pamilya Talk sa FacebookYouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments