Babala ng SEC sa casino junket operation scam
Itigil na ang casino junket scam sa Baguio City at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil napakarami nang nalinlang na tao. Ito ang babala ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Ipinag-utos ng SEC noong Marso 16, 2023 sa bisa ng cease-and-decease-order (CDO) sa Horizon Players Club, Philippine National Esports League, Team Z at kina Hector Pantollana, Zeus Liao Pantollana, Reymond Lacsamana Galang, Quarry Quieng, Erwin Bangalan, Kim Mejica, Daniel Agbisit, Paul Tolentino Marana, JM Almodiente, CJ Quinzon, Vanessa Mendoza Magboo, Gumba Martinada, Ronaldo Embing Renta, Neshemah Rock Lorico Renta, Maricel Raposon Cesumision, Avegail Namoc Cruz, James Christopher Tan Rojas, Joseph Junia Zabala, Maria Cecilia Tabano Vizcayano, Stephen Cecilia Dorog, Zen Carreon Humilde, Hein Carreon Humilde, Raffy Palangdan Floresca, Jennilyn Galletes delos Santos Floresca, Rhoda Andrada Casug, Mikhaella Damasco Ty, Ariel Ramos Katigbak at Den Abad at kanilang mga galamay na tumigil na sa paglikom ng “investments” sa tabing ng casino junket operations dahil scam ito.
Pinatunayan ng SEC na walang anumang basbas na isinasaad ng batas sa paglikom ng investments ang operasyon ng “casino junket financing” ng mga nabanggit na kompanya at mga personalidad.
Mahigpit na pinagbabawalan ng SEC ang mga nasasakdal at mga alipores nilang galawin ang mga pondong naideposito sa banko, mga ari-arian at anupamang may interes.
Naipamahagi na ang CDO ng SEC sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Trade and Industry, National Privacy Commission at Department of Information and Communications Technology para sa kanilang kabatiran at aksyon.
Ipinag-utos na rin ng SEC ang pagsampa ng kasong criminal sa mga nabanggit na kompanya at personalidad sa lalong madaling panahon. Nagbabala rin ang Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) na mag-ingat sa pakikipagtransaksyon sa casino junket financing.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest