Editoryal – Umaalagwa ang krimen
DUMARAMI ang krimen. Sunud-sunod ang mga pagtambang sa elected officials mula pa Enero ng kasalukuyang taon. May mga napatay. Pinaka-latest na pinatay ay si Negros Oriental governor Roel Degamo na pinasok sa kanyang bahay at pinagbabaril. Bukod kay Degamo, walong iba pa ang napatay. Mga AWOL na sundalo at pulis ang suspect. Apat na ang naaresto at isa ang sumuko. Itinuturo ng dalawang suspect na si “Congressman Teves” ang nasa likod ng pagpatay. Itinanggi naman ni Teves ang akusasyon. Hindi pa bumabalik si Teves kahit binigyan na ng ultimatum ng House of Representatives.
Patuloy ang pag-alagwa ng iba pang krimen at kahit chief of police ay pinapatay ng holdaper. Noong Sabado, binaril ang hepe ng San Miguel, Bulacan police makaraang magresponde sa isang holdapan na nangyari sa San Ildefonso, Bulacan. Naispatan nina Lt. Col. Marlon Serna ang dalawang holdaper na naglalakad sa Bgy. Pulong Mangga. Pagbaba ni Serna sa sasakyan, pinaputukan siya ng mga holdaper. Tinamaan siya sa ulo. Mabilis na nakatakas ang mga holdaper. Hinahanap na ang mga suspect at nag-offer na ng P1.7 milyong reward sa ikadarakip ng mga suspect.
Karumal-dumal naman ang nangyari sa isang Filipino-Chinese businessman na kinidnap ng mga dayuhang Chinese at Vietnamese at pinatubos sa pamilya nito. Pero nang makuha na ng mga kidnappers ang pera, pinatay pa ang negosyante at itinapon ang bangkay sa Tanza, Cavite.
Nakilala ang biktima na si Mario Sy Uy, 62. Kinidnap siya noong Marso 18 sa Quezon City at dinala sa Gen. Trias, Cavite. Tinorture siya. Idinokumento pa ang pag-torture at saka pinadala sa pamilya nito. Humingi ng P1 milyon ang mga kidnappers. Pero nang maibigay ang ransom, pinatay pa rin ang negosyante at saka tinapon ang bangkay.
Noong Huwebes, naaresto ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ang mga suspects na Chinese na sina Bei Huimin, 30; Jielong Shen, 26, Sun XiaoHui, 26, at Vietnamese na si Hong Puc Le, 33. Sinampahan sila ng kidnapping for ransom at serious illegal detention with murder.
Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayaring krimen. Ang pagkilos ng PNP ay nararapat. Panatilihin ang police visibility. Maging mapagmatyag sapagkat mga dayuhang Chinese na ang nangingidnap at pumapatay. Paano nakapasok ang mga mamamatay-taong dayuhan sa bansa?
- Latest