SINUSPENDE na ng Office of the Ombudsman ang 33 opisyal mula sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) at Department of Health (DOH) dahil sa pagkakasangkot nila sa maanomalyang pagbili ng pandemic supplies noong 2020 at 2021.
Pinatawan ni Ombudsman Samuel Martires ng anim na buwan na suspensiyon si Warren Rex Liong, dating PS-DBM’s procurement group director, at mga opisyal na sina Lloyd Christopher Lao, Christine Marie L. Suntay, Fatimah Amsha A. Peñaflor, Joshua S. Laure, Earvin Jay I. Alparaque, Julius M. Santos, Paul Jasper V. de Guzman, Dickson T. Panti, Karen Anne Requintina, Rodevie Cruz, Webster Laureñana, Sharon Baile, Gerelyn F. Vergara, Abelardo Gonzales, Jez Charlemagne Arago, Nicole John Cabueños, Ray-ann V. Sorilla, Chamel Fiji C. Melo, Allan Raul M. Catalan, Mervin Ian D. Tanquintic, Jorge L. Mendoza III, Jasonmer L. Uayann at August M. Ylangan.
Ang mga sinuspende naman sa DOH ay si Health Assistant Secretary Nestor Santiago Jr. at mga opisyal na sina Crispinita A. Valdez, Amado Tandoc, Lei Lanna Dancel, Dave Tangcalagan, Jhobert Bernal, Kenneth Aristotle P. Punzalan, Rose Marasigan at Maria Carmela Reyes.
Ang pagkakasuspende sa mga opisyal ng PS-DBM at DOH ay dahil sa complaint na isinampa nina Senators Richard Gordon at Risa Hontiveros noong 2021. Bagamat umusad ang kaso, hindi pa rin naman masasabing tagumpay sapagkat hindi naman natukoy kung sino ang nasa likod ng anomalya. Tiyak na may malalaking tao na nakinabang sa bilyong pisong kontrata na nakopo ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa kabila na ang capital nito ay P625,000 lamang.
Isang malaking katanungan din ngayon ay kung hahayaan pa bang magpatuloy ang PS-DBM sa kabila na maraming kontrobersiya na kinasangkutan. Hindi lamang sa Pharmally nasangkot ang PS-DBM kundi pati sa mga mamahaling laptop na kanilang binili para sa Department of Education (DepEd) na gagamitin ng mga guro para sa distant learning noong 2021. Nagkakahalaga ng P2.4 bilyon ang mga laptops na ang bawat isa ay P58,300. Subalit natuklasan ng Commission on Audit (COA) na outdated na ang laptops.
Wala nang kredibilidad ang PS-DBM at mas makabubuti kung lulusawin na ito. Makatitipid pa ang pamahalaan sapagkat ayon sa report, malaki ang budget ng tanggapan. Hindi na dapat maulit ang mga kasalanan ng PS-DBM at maiiwasan lamang ito kung bubuwagin na ang tanggapang ito.