Sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Chairman Allen Capuyan at NCIP-Region 1/CAR Commissioner Gaspar Cayat dahil sa hindi tuwirang paggawad ng permiso sa operasyon at expansion ng National Cement Corporation/San Miguel Northern Cement Inc. (NCC/SMNCI) sa Bgy. Labayog, Sison, Pangasinan.
Sa imbestigasyon, ang Bgy. Labayog ay nasasakop ng ancestral domain ng mga katutubong Bag-o at ayon sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), nangangailangan ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) bago pa man magawaran ng Certificate of Precondition/Certificate of Non-Overlap (CP/CNO).
Nakatakdang mag-expired ang Mineral Sharing Production Sharing Agreement (MPSA) ng NCC/SMNCI ngayong Marso kaya kailangan nitong mangalap muli ng CP/CNO upang makapagpatuloy sa operasyon.
Napatunayan ng NCIP-Region 1 na ang 630,000 ektaryang expansion ng NCC/SMNI ay sakop ng ancentral domain kaya inihanda ang proseso ng pagkuha ng FPIC sa komunidad na nasasakupan ng expansion.
Nagulantang ang mga katutubong Bag-o nang inilabas ni NCIP-Region 1 Director Manuel Jaramilla ang isang walang numerong CNO na pinirmahan din ni Cayat na may petsang May 7, 2021. Samakatwid, nagawaran ng panibagong MPSA ang NCC/SMNCI sa bisa ng walang numerong CNO, na hindi naayon sa batas.
Nahaharap sina Capuyan at Cayat sa kasong administratibo na Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service at kasong criminal na Violation of RA 3019/Anti-Graft Practices Act and Falsification and Use of Falsified Documents dahil sa pagtalikod sa sinumpaang tungkuling isaalang-alang ang kapakanan ng mga katutubo at pinaboran ang kompanyang NCC/SMNCI. Nakaligtas naman si Jaramilla dahil nagretiro na ito.
Nahaharap naman ang NCC/SMNCI sa kasong “use of falsified document” dahil sa paggamit nito sa “magic document” na luminlang sa Mines and Geosciences Bureau-Region 1 upang ma-renew ang kanilang MPSA.
Nais ng mga katutubong Bag-o na matanggal sa serbisyo sina Capuyan at Cayat.
***
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com