^

PSN Opinyon

National Integrated Cancer Control Act: Pag-asa para sa mga may kanser (Part 1)

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
National Integrated Cancer Control Act: Pag-asa para sa mga may kanser (Part 1)
Libreng pagpapagamot para sa cancer patients sa East Avenue Medical Center sa pamamagitan ng Cancer Control Law.

Alam ninyo bang ang kanser ang ikatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas? Kanser sa baga ang may pinakamataas na mortality rate, kasunod ang kanser sa atay o liver, breast, colon at prostate. Ayon kay Carmen Auste, Chief Executive Officer ng Cancer Warriors Foundation, apat na Filipino adults ang namamatay sa kanser kada oras habang isang bata ang namamatay kada tatlong oras. 

"Ang kanser ay hindi lamang tungkol sa pasyente, kundi tungkol sa pakikibaka ng buong pamilya." Ito ang ibinahagi ni Quezon City Councilor Alfred Vargas sa aming panayam sa “Pamilya Talk” cancer episode na “Okay Doc:  Pag-asa sa NICCA.” Namatay dahil sa breast cancer ang ina ni Councilor Vargas.  Ito ang pangunahing dahilan kung bakit –- nang siya ay Congressman ng Quezon City --  isinulong niya ang National Integrated Cancer Control Act o NICCA bilang isa sa mga pangunahing may-akda nito.  Sa pamamagitan ng NICCA, nabibigyan ng tulong ang mga may kanser at kanilang mga pamilya.

Apat na taon na mula nang maisabatas ang NICCA noong Pebrero 14, 2019.  Pero hanggang ngayon, hindi pa rin alam ng karamihan sa mga Pilipino na may ganitong batas na aalalay sa kanilang pagpapagamot sa kanser.

Sa aming interview, sinabi ni Senator JV Ejercito, isa rin sa principal authors ng NICCA, “Ang NICCA ay para sa cancer patients, lalo na sa mahihirap, para magkaroon sila ng chance na mapahaba ang buhay at mabigyan ng access to cancer care and medicines.”

Sang-ayon ang cancer survivor na si Dr. Rachael Rosario, Executive Director ng Philippine Cancer Society.  Sabi niya, importante ang “whole-of-nation” approach sa pagtugon sa isyu ng kanser. “As a patient, napakahalaga ‘yung stories at experiences namin na makarating sa mga doctor and legislators, on what is happening on the ground. We need to help each other.” 

Ang pangunahing layunin ng NICCA ay magkaroon ng isang matibay na sistema ng pagbibigay ng tulong-medikal at pinansiyal para mabawasan ang pasanin ng cancer patients, survivors, at kanilang mga pamilya. Ito ay naisakatuparan sa tulong ng kolaborasyon ng iba't ibang sector --- mula sa cancer coalition groups, medical experts, healthcare workers, patient groups, at mga miyembro ng Kongreso at Senado.  

Sana’y makatulong ang episode na ito para matulungan ang mga Pilipino na alamin ang mga benepisyo ng NICCA.  

 

Narito ang ilan sa mga mahahalagang bagay na dapat malaman tungkol sa NICCA:

Kinikilala na bilang Persons with Disabilities (PWD) ang mga may kanser at cancer survivors

Sa ilalim ng NICCA, ang mga may kanser at cancer survivors ay puwede nang kumuha ng identification card bilang Persons with Disabilities o PWD, at dapat bigyan ng mga benepisyong para sa mga PWD, tulad ng 20 porsiyentong diskwento sa mga gamot.

Ang mga pasyente ng kanser ay may karapatang makatanggap ng libreng tulong-medikal

Gaya nang nakasaad sa NICCA, nakalaan ang cancer assistance fund para magbigay ng tulong pinansyal sa mga pasyente ng kanser para sa kanyang screening/diagnosis, pagpapagamot, rehabilitasyon, at palliative at supportive care hanggang sa survivorship.

Bukod sa paggamot sa mga pasyente ng kanser, binigyang diin ni Senador JV Ejercito, isa sa mga principal author ng NICCA, ang preventive provision na nakasaad sa batas na nagbibigay din ng libreng tulong para sa mga diagnostic test para sa kanser.

Para makuha ang mga benepisyong ito, dapat tiyakin ng mga pasyente ng kanser na naka-enroll sila sa charity programs ng mga ospital na may cancer assistance funds.

Kasama ang ilan sa cancer warriors (Left photo): Dr. Rachael Rosario (Exec. Director, Philippine Cancer Society) at Quezon City Coun. Alfred Vargas; (Right photo) Carmen Auste (CEO, Cancer Warriors Foundation Philippines) at Sen. JV Ejercito

Alamin ang mga cancer care center at mga ospital na maaaring puntahan

Nabigyan ng pondo o Cancer Assistance Fund ang 31 ospital sa buong Pilipinas para sa pagpapagamot ng mga may kanser.  Ang mga ospital na ito’y nahahati sa basic comprehensive cancer centers kung saan tinatanggap ang mga simpleng kaso, at ang advanced comprehensive cancers centers para sa mga mas kumplikado at mahihirap na kaso ng kanser na nangangailangan ng espesyal na mga medical equipment.

Ang specialty hospitals na makikita sa Maynila gaya ng National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, at Philippine Children’s Medical Center ay kabilang sa mga hospital na nabigyan ng Cancer Assistance Fund para tumanggap ng mga pasyenteng may kanser.

Inilibot naman tayo ni Dr. Claire Soliman, pinuno ng TWG East Avenue Medical Center, sa iba't ibang klinika sa EAMC na tumatanggap at gumagamot ng mga pasyenteng may kanser. Ayon sa kanya, balak ng EAMC (isang advanced comprehensive cancer center) na maglagay ng one-stop shop na cancer center para sa lahat ng uri ng paggagamot, at maging ang social services, at financial assistance center, para ma-accommodate ang lahat ng pasyenteng may kanser. Binanggit din ni Dr. Soliman na sa ilalim ng NICCA, itatayo ang isang Philippine Cancer Center na magsisilbi ring research center para sa mga kakaibang uri ng kanser.  Umaasa si Dr. Soliman na magiging handa na ang nasabing cancer center sa loob ng sampung taon.

Puwede ring humingi ng tulong mula sa Malasakit Center para sa pagpapagamot ng kanser.

Ang mga empleyadong may kanser ay dapat bigyan ng angkop na benepisyo

Dapat ding maglagay ng cancer control at care para sa mga manggagawa. Ang mga empleyado na may kanser at maging ang cancer survivors ay dapat tumanggap ng mga benepisyo na nakasaad sa NICCA, at pati na rin mula sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).  Yung mga absent sa trabaho dahil sa pagpapagamot ay babayaran ng sickness benefits mula sa SSS at disability benefits ng GSIS.

Hindi maitatanggi ang katotohanan na maganda at kapaki-pakinabang ang NICCA para sa mga pasyenteng may kanser, pati na sa kanilang mga pamilya. 

Sino man ay maaaring maging biktima ng kanser. Hindi na ito dapat ituring na isang sakit na para lang sa mayayaman dahil sa stigma na sila lang ang mga taong kayang gumastos para rito. Dapat ituring ito bilang isang bagay na maaaring mangyari sa sino man, kahit ano pa man ang kanilang katayuan sa lipunan.   Lahat ay may karapatan para sa pantay na pagkakataon na maging malaya sa kanser.

----


Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected].

CANCER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with