EDITORYAL - Huwag nang magpadala ng household workers sa Kuwait

Hanggang ngayon wala pang resulta ang pagkamatay ng Pinay household workers (HHWs) na si Jullebee Ranara sa Kuwait noong Enero 28. Magdadalawang buwan na mula nang mangyari ang karumal-dumal niyang kamatayan sa kamay ng 17-anyos na amo pero wala pang report ukol dito. Nasaan ang hustisya rito? Malaki ang posibilidad na ang pagpatay kay Ranara ay maibibilang sa mga kaso na hindi na malulutas. At maaaring magpa­patuloy pa ang pagmamaltrato, pang-aabuso at pagpatay sa mga Pinay household workers sa Kuwait. Dapat ipag-utos na ng gobyerno ang total ban o huwag nang magpadala ng Pinay HHW sa Kuwait.

Sa kasalukuyan, suspendido ang pagpapadala ng mga Pinay HHWs sa Kuwait dahil sa pagpatay kay Ranara pero maaring alisin din ito ng Department of Migrant Workers (DMW). At nakakatakot na kapag ibinalik ang deployment, may mangyari na namang mga pang-aabuso at pagpatay sa HHWs na Pinay. Hindi mapanghahawakan ang pangako ng Kuwait government sapagkat nagkaroon na ng ka­sun­duan noong 2019 ang Pilipinas at bansang ito na bibigyan ng proteksiyon ang OFWs pero hindi natupad at patuloy ang pagmamaltrato at pagpatay pa.

Maraming Pinay HHWs ang kasalukuyang nasa Kuwait at hindi maiaalis isipin na posibleng may du­maranas sa kanila ngayon ng pagmamaltrato. Hindi lamang sila makapagreklamo dahil natatakot. Ma­aring ikinukulong sila sa kuwarto. Hindi makapagsumbong dahil pati cell phone ay kinukum­piska ng amo.

Hindi si Ranara ang unang pinatay na HHWs sa Kuwait. Noong 2017, pinatay si Joanna Demafelis. Makaraang patayin, inilagay ang katawan niya sa freezer. Noong 2018, pinatay si Constancia Dayag at noong 2019, pinatay si Jeanelyn Villavende.

Ipatupad ang total ban ng mga Pinay HHWs sa Kuwait. Huwag nang hintayin pa na mangyari muli ang sinapit nina Ranara, Demafelis, Dayag at Villa­vende.

Show comments