EDITORYAL — Nararapat may mabulok sa kulungan
MARAMI nang estudyante ang namatay sa hazing pero wala pang sangkot sa pagkamatay ang nabulok sa kulungan. Sa kabila na may Anti-Hazing Law (Republic Act 11053) na nagsasaad na ang mga mapapatunayang sangkot sa pagkamatay ng neophyte ay papatawan ng habambuhay na pagkabilanggo (reclusion perpetua), hindi pa rin ito nangyayari. Wala pang napaparusahan nang habambuhay. Walang ngipin ang batas.
Ito marahil ang dahilan kaya paulit-ulit ang pagre-recruit at pag-hazing sa mga bagong miyembro. Ang nakapagtataka pa, nangyayari ang pag-recruit sa mga unibersidad. Malayang nakakapag-recruit hanggang sa humantong sa madugo at malagim na hazing. Mabubulaga na lamang na mayroon na namang namatay sa hazing.
Ang nangyaring hazing sa Adamson University student na si John Matthew Salilig ay maituturing na pinaka-brutal sa lahat. Miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity si Salilig na nagkaroon ng welcome rites noong Pebrero 18 sa isang bahay sa Biñan City, Laguna.
Dahil sa mga matitinding palo ng paddle na umabot sa 70, hindi kinaya ni Salilig ang pahirap. Namatay siya. Ang pinakamasaklap, inilibing siya sa mababaw na hukay sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite noong Pebrero 28. Isang miyembro ng Tau Gamma ang nakonsensiya at itinuro ang pinaglibingan kay Salilig. Maraming miyembro ng Tau Gamma ang naaresto at pito sa mga ito ay kinasuhan na ng Department of Justice.
Sabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, sisiguruhin daw niya na lahat ng mga sangkot sa pagpatay kay Salilig ay mabubulok sa bilangguan. Mananagot lahat.
Magkakaroon lamang ng katotohanan ang sinabi ni Zubiri kung aamyendahan ang Anti-Hazing Law at ipatutupad nang mabilis. Sa batas, tanging ang mga pumalo at nagpahirap ang sinasabing parurusahan. Nararapat kasama rin ang may-ari ng bahay na pinagdausan ng hazing. Isama rin ang may-ari ng sasakyan na ginamit at iba pa. Dapat ding ibawal ang fraternity sa mga unibersidad.
Kung hindi magiging marahas sa pagpaparusa sa mga gagawa ng hazing, hindi mahihinto ang pagpapahirap at paulit-ulit na lamang na mayroong mamamatay. Maraming magulang ang luluha dahil inagaw ng mga “uhaw sa dugo”na miyembro ng fraternity ang buhay ng kanilang anak.
- Latest