HABANG papalapit ang pagreretiro ni PNP chief P/Gen. Rodolfo Azurin sa Abril, maraming dumi ang kumukulapol sa pambansang pulisya. Nariyan na itong magkakasunod na pagpatay sa mga elected officials na ang pinaka-latest na biktima ay si Negros Oriental Governor Roel Degamo. Pinasok ng mga armado ang compound ni Degamo at binaril habang namamahagi ng ayuda. Walong iba pa ang namatay. Apat na ang naaresto sa mga suspek at mayroon pang isang sumuko kahapon.
Ayon kay Justice secretary Jesus Crispin Remulla, tukoy na ang mastermind sa kaso makaraang ibunyag ito ng mga nahuling suspek. Hinahanap pa ang mga kasamahan ng mga suspek. Nag-deploy na ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines sa Negros Oriental. Habang namamayagpag ang mga nasa likod ng pagpatay kay Degamo hindi dapat maging kampante ang PNP. Baka sa mga susunod na araw, may mga pagpatay na naman sa elected officials.
Noong nakaraang linggo naman, sinalakay ng mga miyembro ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ng isang bahay sa Marina, Parañaque City at hinulidap ang mga businessmen na Chinese national na nagma-mahjong. Kinulimbat ng mga ito ang mga mamahaling relo at milyon sa vault.
Nagsumbong ang mga Chinese sa isang mataas na PNP official kaya nahuli ang mga pulis CIDG. Sinibak na 13 pulis kasama ang hepe nila na si Col. Marantan.
Malaking sampal ito sa PNP na dapat na aksyunan ni PNP chief General Rodolfo Azurin. Marami nang nakakulapol na putik sa PNP.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs sa pamumuno ni Representative Robert Ace Barbers. Sabi ni Barbers, marami ang gustong lumutang para ibunyag ang mga pulis na nagre-recycle ng droga. Una nang sinabi ni PDEA Director General Moro Virgio Lazo na may mga pulis na lumilinya sa pag-recycle ng droga na kanilang nasasamsam sa operasyon.
Hanggang ngayon naman, wala pang ibinunyag na resulta ang Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa “courtesy resignation” ng mga heneral at colonel ng PNP na lumilinya sa drug trade. Abangan.