EDITORYAL - Recycling ng droga totoo talaga!
Dalawampung taon na raw nagaganap ang recycling ng shabu, ayon sa informant o asset ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang humarap sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers. At inamin ng imformant na droga rin ang tinatanggap niyang reward at hindi cash. Ayon sa informant, 30 hanggang 70 percent ang nakukuha niyang reward. Ang matindi sa binunyag ng informant, hindi lahat ng nakukumpiskang droga ay dinideklara ng mga miyembro ng drug enforcement unit. Ayon sa impormante, sa 100 kilo ng drogang nakumpiska, 22 kilo lamang ang idedeklara ng mga awtoridad. Nire-recycle ang droga at muling ibinebenta sa mga drug user.
Noon pa napapabalita ang ganitong kalakaran pero mas nakakahindik kung sa mismong bibig ng informant manggaling ang pagbubunyag. Talagang may mga “bugok” na miyembro ang PNP at PDEA na pinagkakakitaan ang pag-recycle ng shabu. At may katotohanan na dalawang dekada na itong ginagawa ng mga “bugok” na miyembro ng PDEA at PNP.
Patunay lamang ang pagkakaaresto sa PDEA official at sa dalawa niyang tauhan noong Disyembre sa PDEA-Taguig sa isang buy-bust operation. Nagre-recycle sila ng shabu. Ibinabalik nila sa kalye ang nakumpiska nila.
Nararapat pang magsagawa nang malalimang imbestigasyon ang Kongreso sa ibinunyag na ito ng impormante. Hindi matatapos ang problema sa illegal na droga habang ang mga nasa puwesto ay mga “bugok” na drug enforcers. Pabalik-balik lang ang problema ng illegal na droga.
Nararapat din namang putulin ang maling sistema na droga ang binabayad sa tipster. Una nang binunyag ni PDEA Director General Virgilio Moro Lazo sa pagdinig ng House of Representatives noong Pebrero ang tungkol sa pagbibigay ng 30% ng nasamsam na droga sa tipsters. Hindi ito nararapat. Pera at hindi droga ang nararapat ibayad sa tipster.
Kinontra ng PNP ang sinabi ng PDEA director. Ayon kay PNP chief information officer Col. Redrico Maranan, ilegal ang pagbibigay ng droga sa impormante sapagkat ang mga nasamsam na droga ay dapat isumite sa korte bilang ebidensiya.
Busisiin pa ang tungkol sa isyung ito. Masyado nang nakababahala ang problema sa illegal na droga.
- Latest