Isang kaso na naman ito tungkol sa forcible entry o sapilitang pagkamkam ng lupa. Kailan ba nagkakaroon ng forcible entry at ano ang mga elemento nito. Malalaman ito sa kaso ni Rolly laban kay Christy.
Ang kasong ito ay tungkol sa 3,000 metro kuwadrado na lupa na sakop ng Real Property No. 99-001-06218 na nasa probinsiya ng Benguet. Nakuha ni Rolly ang lupa sa pamamagitan ng isang kondisyonal na kasulatan ng bentahan (Deed of Conditional Sale) mula kay Jimmy pagkatapos ay agad niyang inokupa ito.
Pagkatapos ng tatlong taon, binalaan ng mga kapitbahay si Rolly na ibinenta na rin ng may-ari ang katabing mga lote sa ibang tao. Kaya agad na naglagay ng bakod at munting kubo si Rolly sa kanyang biniling lupa. Hiningi rin niya kay Jimmy ang kasulatan ng bentahan sa lupa. Pero imbes ay nagsampa ng kaso si Jimmy laban kay Rolly para sa forcible entry. Buti na lang at binasura ito ng korte.
Lumipas ang walong taon na tahimik na hawak ni Rolly ang lupa hanggang sa siya na mismo ang nagsampa ng kaso ng forcible entry laban kay Jimmy dahil sa ginawa nitong walang paalam na pagpasok at pagkamkam ng lupa gamit ang dahas at pananakot na sinumbong sa kanya ng caretaker.
Habang nakabinbin ang kaso, binenta ni Jimmy kay Christy ang isang parte ng lupa na may sukat na 1,553 metro kuwadrado at sakop ng AARP99-001-8183. Iyon nga lang at walang anumang anotasyon o abiso tungkol dito. Basta naglabas ng bagong ARP 99-001-8183 pabor kay Christy. Kaya ang ginawa ni Rolly ay binago ang asunto sa korte para maidagdag ang pangalan ng babae bilang isa sa mga defendant.
Kalaunan, naglabas ng desisyon ang MTC pabor kay Rolly. Dineklara nito na ang lalaki ang nakapagpatunay na siya ang unang nakapuwesto sa lupa. Kinatigan ng RTC ang desisyon ng MTC. Pero pag-akyat sa Court of Appeals ay nabaliktad ang desisyon at nabasura ang reklamo ni Rolly laban kay Christy. Tama ba ang ginawa ng CA?
Ayon sa Supreme Court, mali ang CA sa pagbasura sa kaso. Dagdag pa ng SC, mayroong forcible entry kapag binawi sa isang tao ang pisikal na posesyon sa lupa sa pamamagitan ng puwersa, pananakot, stratehiya, dahas o katusuhan.
Kaya ang mga elementong dapat na patunayan ay ang sumusunod: (1) ang nagreklamo ang unang nakapuwesto sa lupa, (2) inagaw sa kanya ang posesyon ng lupa gamit ang puwersa, pananakot, stratehiya, dahas o katusuhan, (3) isinampa ang kaso sa loob ng isang taon mula nang agawin sa tunay na may-ari o mga legal na may hawak ng lupa ang pisikal na posesyon nito.
Ang sinuman na unang may hawak sa lupa ay kayang bawiin ang posesyon nito kahit pa laban sa may-ari mismo depende sa karakter ng kanyang posesyon ng lupa. May karapatan kasi ang unang may hawak hanggang sa legal siyang paalisin ng isang taong mas matindi ang hawak na karapatan sa lupa.
Ang binagong reklamo ay nagpatunay sa pisikal na posesyon ni Rolly sa lupa bago ito kinuha sa kanya ni Christy. Mas pinalakas ng pagbasura ng kaso ni Jimmy sa forcible entry ang karapatan ni Rolly sa lupa. Kaya ang desisyon ng CA na nagbabasura sa kaso ni Rolly ay dapat baliktarin at isantabi (David vs. Butay, G.R. 220996, April 20, 2022).