EDITORYAL - Pagbayarin ang may-ari ng MT Princess Empress

Malawak na ang perwisyong dinulot ng oil spill na nagmula sa MT Princess Empress. Hindi lamang ang karagatan ng Oriental Mindoro ang napinsala kundi umabot na rin sa Palawan at Aklan. Dahil sa lakas ng hangin, posibleng tangayin ang natapong langis sa Boracay Island. Hindi biro ang pinsalang idudulot sa kabuhayan ng insidenteng ito na maaari namang naagapan kung naging maingat at responsible lamang ang may-ari at namamahala sa motor tanker. Sa simula pa lamang, alam na nilang kapag nagkaroon ng problema sa tanker habang naglalayag ang kasunod na nito ay ang pagtagas ng langis. At marami nang nangyaring ganito sa nakaraan. Marami nang naperwisyo dahil sa pagtagas ng langis. At sa kabila niyan, hindi pa rin nag-iingat ang mga may-ari namamahala ng tanker.

Lumubog ang MT Princess Empress sa karagatang malapit sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28. Galing umanong Bataan at patungong Iloilo para magdeliber ng 800,000 litro ng industrial fuel oil. Grabeng napuruhan ang Pola, na katabing bayan ng Naujan. Sa isang iglap, napadpad sa baybayin ng Pola ang maraming langis na nagparumi sa beach resorts ng nasabing bayan. Manu-manong sinalok ng mga residente ng Pola ang langis sa dalampasigan. Subalit walang pagkaubos ang langis sapagkat patuloy sa pagtapon mula sa tanker. Dahil sa malalaking alon, walang tigil ang pagtagas ng langis.

Maraming residente ng Pola ang nagkakasakit na dahil sa nalalanghap na masangsang na amoy mula sa karagatan. Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente na mag-face mask. Nagpadala naman ng mga kagamitan ang Deparment of Environment and Natural Resources (DENR) para mabilis ang paglilinis sa tumapong langis sa dalampasigan.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay namamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente. Halos walang makapangisda sapagkat delikado sa kalusugan ang natapong langis. Kung magtatagal pa bago tuluyang makontrol ang oil spill, maraming magugutom. Humingi na ng tulong sa Japan para mapabilis ang paglilinis sa oil spill.

Habang marami ang tuliro sa perwisyong dulot ng oil spill, wala namang marinig sa may-ari nang lumubog na MT Princess Empress. Naghihintay ng tulong ang mga taga-Pola mula sa may-ari ng tanker subalit wala umanong dumarating.

Nararapat nang kumilos ang Senado para mag-imbestiga at puwersahing tumulong ang may-ari ng tanker sa mga naapektuhan ng oil spill. Pagbayarin din. Ayon sa Oil Pollution Compensation Act (RA 9483) papanagutin ang mga magdudulot ng pinsala dahil sa oil pollution at nag-uutos na bigyan ng kabayaran ang mga maaapektuhan.

Show comments