Ang indigestion ang pangkalahatang tawag sa hindi komportableng pakiramdam sa sikmura. Ang indigestion ay hindi isang sakit ngunit ito ay pagpapakita ng sintomas tulad ng hindi matunawan, hirap sa pag-dighay, pagkahilo, at pagka-impatso pagkatapos kumain.
Maraming dahilan ang indigestion. Ang iba ay dahil sa kanilang lifestyle sa sobrang pagkain at iniinom na alak. Ang labis na pag-aalala, paninigarilyo, emotional trauma, mabilis na pagkain, at kondisyon gaya ng ulcer o gallstones (bato sa apdo) ay maaari ring dahilan ng indigestion.
Kung minsan ang taong may indigestion ay nakararanas din ng heartburn o pangangasim ng sikmura.
Para maiwasan ang indigestion:
1. Kumain ng pakonti-konti ngunit mas madalas – Kumain ng mas maraming gulay at prutas. Nguyain ang pagkain ng mabuti at dahan-dahan.
2. Iwasan ang mga “trigger foods” – Ang karaniwang nagdudulot ng indigestion ay ang matataba at maaanghang na pagkain, soft drinks, kape, pag-inom ng alak at paninigarilyo.
3. Panatilihin ang tamang timbang – Ang sobrang timbang ay naglalagay ng pressure sa iyong sikmura at maaaring maging dahilan ng stomach acid para umakyat sa lalamunan.
4. Mag-ehersisyo ng madalas – Ang pag-ehersisyo ay malaking tulong para hindi tumaba at umayos ang iyong panunaw.
5. Limitahan ang stress – Magkaroon ng sapat na tulog. Maglaan ng oras sa mga bagay na gustong gawin. Maaari rin mag-meditate o mag-yoga.
6. Suriin ang iyong mga gamot – Sumunod sa payo ng doktor kung kinakailangang inumin ang gamot. Ngunit ang gamot tulad ng aspirin at pain relievers (gamot sa kirot) ay pwedeng maka-irita at makasira sa lining ng sikmura. Kung kailangan talaga inumin ang gamot, kumain muna bago uminom ng gamot para mabawasan ang hapdi.
7. Uminom ng herbal tea na may peppermint – Mayroong mga taong nagiginhawahan sa pag-inom ng peppermint, ngunit hindi pa ito tiyak. Puwede namang subukan.
***
Premenstrual Syndrome
Kung regular kang nakararanas ng mga pisikal at emosyonal na sintomas bago ang iyong regla, maaaring mayroon kang Premenstrual Syndrome (PMS). Ang sintomas ay may posibilidad na magpabalik-balik. Ang PMS ay may kaugnayan sa normal na cycle ng hormone. Kadalasan, nawawala ang sintomas habang nagsisimula na ang regla.
Mga dahilan ng Premenstrual Syndrome:
1. Paulit-ulit na pagbabago sa hormones (Cyclic changes in hormones)
2. Pagbabago sa kemikal sa utak ay maaaring makapagpalabas ng sintomas.
3. Depresyon at stress
4. Pagpapalipas ng gutom. Ang ilan sa sintomas ng PMS ay konektado sa mababang lebel ng bitamina at mineral. Ang pagkain ng mga maaalat na pagkain at pag-inom ng alak o kape ay maaaring makapagpalala sa mga sintomas.
Sintomas ng premenstrual syndrome:
Pagbabagong emosyonal:
1. Malungkot na mood at pag-iyak.
2. Iritable o galit.
3. Tensyon at pag-aalala.
4. Pabago-bagong mood.
5. Nawawala sa konsentrasyon.
6. Pananamlay.
7. Mga pagbabago sa gana sa pagkain.
8. Nahihirapan matulog.
9. Ayaw makisalamuha sa tao
Pagbabagong pisikal:
1. Paglaki ng tiyan.
2. Pagtaas ng timbang dahil sa retention fluid.
3. Pamamaga ng kamay at paa.
4. Masakit ang suso.
5. Pananakit ng ulo.
6. Pananakit ng kasu-kasuan at muscle.
7. Pagtatae at pagtitibi.
8. Pagod, pagduduwal at pagsusuka.