Bantayan ang mga AWOL na sundalo  

WALANG kagatul-gatol na sinabi ng mga suspects na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez sa ambush interview na isang “Congressman Teves” ang nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4. Namamahagi ng ayuda si Degamo sa compound ng kanyang bahay sa Bayawan City, nang pumasok ang limang sandatahang lalaki at pinagbabaril ang governor at mga taong humihingi ng ayuda. Ang dalawang suspects ay mga dating sundalo na nag-AWOL dahil may mga ginawang kabuktutan.

Kasunod ng kanilang pagbubulgar sa master­mind, humingi sila ng proteksyon para sa kani­lang­­ pamilya at humingi rin ng tawad sa mga pa­­milya na pinatay nila. Inilipat na sa National Bu­reau of Investigation (NBI) sa Maynila ang dalawa mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City. Sa­man­tala, pinababalik ng House of Representatives si Rep. Arnie Teves sa bansa na kasalukuyang nasa United States. Ka­ilangan na umano nitong lumutang upang maipahayag ang panig hinggil sa pagkakadawit sa kaso.

Ayon pa sa report, may video raw na nakuha na pinag-uusapan o pinagpaplanuhan ang pagpatay kay Degamo. Kaya palagay ko ay mabigat ang mga ebidensiya at madidiin ang mga sangkot.

Nang dumalaw si President Ferdinand Marcos Jr. sa burol ni Degamo ay ipinag-utos nito sa mga awtoridad na gawin ang lahat ng paraan para madakip ang “utak” at pumatay kay Degamo.

Nanawagan naman si Vice President Sara Du­terte na tigilan na ang pagpaslang sa mga elected official. Si Degamo ay ika-lima sa mga inambush mula noong Enero.

Ang nakakatakot, ang mga hired killer ay mga dating sundalo na nasibak sa serbisyo dahil nasangkot sa droga. Kaya sa pamunuan ng AFP at PNP, tutukan ang mga AWOL na sundalo at pulis na hina-hire para pumatay. Ang ilan din sa kanila ay ginagawang bodyguard ng pulitiko. Huwag silang hayaan na makapaghasik ng lagim sa lipunan.

Show comments