EDITORYAL – Paghahamon ng China
ANG pananatili ng mga barko ng China sa Kalayaan Island Group ay nagpapakita lamang na talagang nanghahamon ito. Sinusubok kung hanggang saan ang pagtitimpi ng Pilipinas. Naghihintay sila sa anumang aksiyon na gagawin ng Pilipinas sa sandaling umabot na sa sukdulan. Ang ginagawang ito ng China ay hindi dapat palampasin ng Pilipinas at nararapat nang gumawa pa ng mga diplomatic protest sa ginagawang pananatili o entrusion sa teritoryo ng Pilipinas. Mahalaga rin na mag-ingay pa nang mag-ingay ang Pilipinas hanggang mapansin ng international media. Kailangang malaman ng mundo ang ginagawa ng China na pagsakop na sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, 44 na barko ng China ang nasa sakop ng Pag-asa Group of Island. Ayon sa Phillippine Coast Guard ang mga barko ng China ay tinatayang nasa 4.5 hanggang walong nautical miles mula sa Pag-asa Island. Malinaw na nasa loob sila ng 12 nautical mile territorial sea ng Pilipinas. Malinaw na nilalabag na ng China ang sovereignty ng Pilipinas. “Their continuing unauthorized presence is clearly inconsistent with the right of innocent passage and a blatant violation of the Philippines’ territorial integrity,” pahayag ng PCG.
Tinatayang may 400 Pilipino na naninirahan sa Pag-asa Island na kinabibilangan ng 70 bata. Ang Pag-asa ay 480 kilometro ang layo sa Puerto Princesa City, Palawan. Ayon sa isang guro na nakapanayam ng TV Patrol, nangangamba sila sa presensiya ng mga barko ng China. Paano raw kung magpaputok ang mga ito at tamaan sila. Marami pa naman silang kasamang mga bata sa isla.
Patuloy ang ginagawang paghahamon ng China. Noong nakaraang buwan, tinutukan ng China Coast Guard ng kanilang military-grade laser ang mga miyembro ng PCG habang nasa Ayungin Shoal. Pansamantalang nabulag ang PCG members.
Kamakalawa, sinabi ng PCG na hindi pinapansin ng 44 na barko ng China na nasa Kalayaan Islands ang “radio challenge” na ipinapadala nila. Binabalewala ang kanilang pag-challenge para ipaalam na ang 12 nautical miles ng Pag-asa Island ay territorial sea ng Pilipinas.
Sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya papayag na maangkin ng China ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas. Sa kilos ng China, tila ginagawa na ito. Nararapat gumawa na ng karampatang aksiyon ang pamahalaan at baka magising ang mga Pilipino na malaki na ang inookupa ng China sa teritoryo ng bansa.
- Latest