“DAPAT silang managot sa ginawa sa aming anak. Hindi makatao ang kanilang ginawa. Inabuso nila. Mabait, masunurin at palabiro ang aming anak. Wala akong masasabi sa kanya,” sabi ni Jeoffrey Salilig ama ni John Matthew Salilig, estudyante ng Adamson University na namatay sa hazing. Sumailalim si John Matthew sa initiation ng Tau Gamma Phi fraternity. Ayon sa autopsy report maraming tinamong palo ng paddle sa likod ng hita si John Matthew. Ayon sa isang witness, maraming miyembro ng Tau Gamma Phi ang pumalo kay John Matthew.
Humihingi ng hustisya ang ama ni John Matthew. Nararapat umanong managot ang mga may kagagawan sa pagkamatay ng kanyang anak. Nanawagan siyang sumuko na ang mga sangkot sa pagkamatay ng kanyang anak.
Ayon sa Binan police, 17 suspect ang tinukoy ng witness. Nahuli na ang walo. Isa ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti kamakalawa.Walopa ang hinahanap hanggang sa kasalukuyan.
Natagpuan ang bangkay ni John Matthew sa isang mababaw na hukay sa Bgy. Malagasang, Imus, Cavite, noong Pebrero 28, dalawang linggo makaraan siyang mamatay sa kamay ng Tau Gamma Phi. Nagtaka ang mga magulang at kapatid ni John Matthew sapagkat nawala ito makaraang magpaalam na dadalo sa initiation rites noong Pebrero 18. Kung saan-saan nila ito hinanap. Halos panawan na sila ng pag-asa na hindi makikita si John Matthew.
Hanggang isang miyembro ang nakonsensiya umano at itinuro ang pinaglibingan kay John Matthew. Doon natapos ang maraming katanungan. Bangkay na pala nilang makikita si John Matthew. Pinatay ng mga berdugong miyembro.
Marami nang ama ang naghinagpis dahil namatay ang kanilang anak sa hazing ng fraternity. Hindi na mabilang ang mga estudyanteng namatay. At kung hindi matutuldukan ang pagpatay dahil sa hazing, marami pang ama ang luluha dahil sa pagkamatay ng kanilang anak. Magpapatuloy ang kanilang paghihinagpis kung hindi mapuputol ang “pagkauhaw sa dugo” ng mga miyembro ng fraternity. Ibawal na ang fraternity!