EDITORYAL - Jeepney modernization pagkakakitaan?

MARAMING dapat busisiin sa jeepney modernization program ng pamahalaan. Hindi ito simpleng programa lang na basta-basta na lang ilalarga. Nararapat dito ang masusing pagsusuri, pag-aaral, pag-aanalisa at konsultasyon sa maraming sektor. Kapag basta-basta ipinagpatuloy ang programa na wala ang mga nabanggit, hindi ito magtatagumpay. Walang patu­tunguhan ang sinasabing modernisasyon at kagaya pa rin ng dati ang mangyayari. Kapag sinabing modernisasyon ng public transport, malawak ang sakop nito hindi lamang para sa ikalulutas ng problema sa air pollution at climate change. Isa sa mga layunin kaya nilunsad ang modernisasyon ay upang maalis na sa kalsada ang mga kakarag-karag na jeepney nagbubuga ng nakalalasong usok. Walumpong porsiyento na nagdudulot ng air pollution sa Metro Manila ay mula sa usok ng mga jeepney. Mga surplus na makina mula sa Japan ang ginagamit ng mga jeepney.

Ang jeepney modernization ay nilunsad pa sa panahon ni President Noynoy Aquino at pinagpatuloy lamang ng Duterte administration. Hindi maimplement ang modernisasyon sapagkat nagbabanta ng tigil pasada ang transport groups. Hanggang sa lumipas ang ilang taon at walang nangyayari sa jeepney modernization.

Subalit dapat kuwestiyunin ang mga dating namuno sa Department of Transportation (DoTr) sapagkat hindi malinaw ang kanilang layunin sa programa. Kung ang hangad nila ay para mapangalagaan ang kapaligiran at masawata ang air pollution na kagagawan ng mga bulok na jeepney, bakit wala silang nababanggit sa e-jeepney na environment friendly. Bakit ang balak nilang ipalit sa mga jeepney ay mga mini-bus na gumagamit din ng gasolina. Mayroon pang balita na ang mga mini-bus para sa modernization program ay bibilhin sa China. Hindi kaya pagkakakitaan ito?

Marami namang lokal na kompanya na gumagawa ng modern jeepney. Hindi na kailangang bumili pa sa China na ubod nang mahal. Mayroon ding e-jeepney.

Sabi ni President Ferdinand Marcos noong Miyerkules, kailangang maipatupad ang jeepney modernization pero kailangan nang maraming pag-uusap kasama ang stakeholders at jeepney drivers group. Dapat daw maplantsa ang mga nilalaman ng PUV modernization para hindi mahirapan ang mga driver at operator.

Tama naman ang presidente. Dapat pag-aralan pa ang programa. At sana hindi ito mapagkakitaan.

Show comments