Hindi nakaligtas si misis
MARAMI sa mga kaso ng pangangaliwa sa asawa ay ginagawa ng lalaki. Sila ang laging kontrabida sa istorya at ang babae ang ginagawang martir na nagtitiis ng tahimik sa ginagawang pambababae ng kanilang mister. Pero ang kuwentong ito tungkol kay Andres at Marta ay kabaliktaran sa karaniwang nangyayari. May 12 taon na silang kasal at may tatlong anak. Walang pinag-aralan si Andres at nagtatrabahong mason sa construction firm. Dahil sa kanyang trabaho madalas na wala siya sa bahay. Umuuwi lang siya sa pamilya kapag Sabado at Linggo.
Sa isa niyang pag-uwi hindi nadatnan ni Andres si Marta sa bahay. Tinawag niya ang misis pero hindi sumasagot. Nagpunta siya sa burol at nagbabakasakali na naroon si Marta para umigib ng tubig. Nang marating ang lugar, nahuli niya si Marta na nakikipagtalik sa ibang lalaki. Nang makita ni Marta si Andres, agad itinulak ang kalaguyo. Ang lalaki ay akmang bubunot ng baril kaya para ipagtanggol ang sarili, tumakbo pauwi si Andres para kunin ang itak. Pero nagbago ang kanyang isip at hindi na binalikan ang lalaki.
Sumunod na araw nang komprontahin ni Andres si Marta agad itong umamin sa pakikipagrelasyon sa ibang lalaki. Kaya ang ginawa ni Andres ay dumulog sa himpilan ng pulisya at nagsampa ng reklamong pakikiapid ng misis. Kalaunan, pumunta ulit siya sa presinto at nagsabing huwag muna nilang sampahan ng kaso ang babae dahil naawa siya sa mga anak at sa misis bukod pa sa naghihirap sila noon. Gusto raw patawarin ni Andres ang asawa kaya agad na gumawa ng salaysay ang mga pulis kung saan nakalagay na patatawarin niya ang misis kung hihiwalay ng tirahan sa kanila at susuportahan ang kanilang mga anak. Pero nagbago ang kanyang isip at tinuluyan na sampahan ng kaso ang babae. Palusot naman ni Marta, pinatawad na siya ng mister at malinaw itong nakasaad sa salaysay na isinulat sa ingles. Wala na kaya talagang pag-asa ang kaso ni Andres? Tama ba si Marta?
Mali. Ang pagpapatawad sa mga krimen ng adultery at concubinage ay kailangan na gawin bago pa umpisahan ang pagsasampa ng kaso at dapat ay parehong patawarin ng biktima ang dalawang nagkasala. Ang tinatawag na pagpapatawad o pardon ay kailangan na (1) malinaw na nakasaad sa isang salaysay na nagsasaad na pinatatawad ng biktima ang kanyang kabiyak at kalaguyo nito, at (2) pinapalagay na pinapayagan pa rin ang nagkasalang asawa na patuloy na makisama sa biktima pagkatapos ng krimen.
Sa kasong ito, hindi malinaw at hindi rin direktang matatawag na pardon o pagpapatawad. Ang salaysay ay hindi pagpapatawad kundi isang deklarasyon lang na may layunin siya na patawarin ang babae. Isa pa, ginawa ang salaysay sa Ingles at hindi ganap na naiintindihan ni Andres na walang pinag-aralan (Ligtas vs. Court of Appeals, 149 SCRA 514).
- Latest