Pinalakas na QCitizen Helpline 122

NANG simulan ng ating siyudad ang QCitizen Helpline 122 noong 2016, nagsilbi lang itong emergency hotline kapag may kalamidad o insidente.

Ngayong 2023, para mapalakas at lalo pang mapaganda ang paghahatid natin ng serbisyo, tumatanggap na ang Helpline 122 ng reklamo o feedback mula sa QCitizens at mga bisita ng ating siyudad.

Katuwang din ng Helpline 122 ang non-voice counter­part nito na helpdesk@quezoncity.gov.ph kung saan maaari ring magpadala ng komento o hinaing ang ating mga residente.

Sa tulong nito, mapapalakas ang tinatawag na citizen participation at maipararating nila sa atin ang kanilang hinaing at suhestiyon ukol sa mga serbisyo at programa ng siyudad.

Gagamitin natin ang mga hinaing at komentong ito para lalo pang mapaigting at mapagbuti ang paghahatid natin ng serbisyo. Bukod sa emergency assistance, pasok na rin ang mga serbisyong may kaugnayan sa COVID-19, social services assistance, pagre-report ng domestic violence, at iba pang mga bagay na kailangan ng agarang atensyon.

Gumagamit ang siyudad ng two-way radio communications sa lahat ng iba’t ibang service units para maipaabot ang anumang uri ng emergency.

May direktang linya rin ang Helpline 122 sa Quezon City Police District (QCPD) at Bureau of Fire Protection (BFP) para makaresponde sa anumang emergency o sakuna sa loob lang ng tatlong minuto.

Bukod dito, tumatanggap ang nasabing hotline at email ng report mula sa QCitizens kaugnay ng mabagal na serbisyo at tiwaling gawain ng mga tanggapan sa ilalim ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Carlos Verzonilla, Action Officer ng Quezon City Citizen Services Department, bukas 24/7 ang Helpline 122 para sa QCitizens na may emergency o may mga hinaing na gustong ilapit sa siyudad.

Para mas maraming tawag at email na matanggap at maaksiyunan, naglagay na rin ng work from home setup ang Helpline 122 para sa mga tumatanggap ng tawag, bukod pa sa mga tauhan nito na nagre-report sa tanggapan.

Madali ring ma-consolidate ang mga detalye ng report na pumapasok sa Helpline 122, dahil gumagamit ito ng bagong ticketing system.

Sa pamamagitan ng ticketing system na ito, tiyak na matutugunan lahat ng hinihinging tulong at reklamo mula sa QCitizens.

Show comments