Alagaan ang mga mata

HUWAG pababayaan ang mga mata. Puwede rin itong magkasakit at masira kapag naging pabaya. Para makaiwas sa mga seryosong sakit tulad ng glaucoma, diabetic eye disease at katarata, sundin ang mga payong ito.

1. Kumain ng pagkaing mabuti sa mata. Ang maberdeng gulay tulad ng kangkong, broccoli, talbos ng kamote tops at spinach, ay nagpapalinaw ng ating paningin. Siyempre ang mapupulang karot, kalabasa at kamatis (3 K’s) ay may taglay na vitamin A para sa mata. Ang dilaw na pakwan ay may sangkap na lutein na kailangan din ng mata. Ang pag­kain ng matatabang isda tulad ng tuna, tamban at tanigi (3 T’s) ay mahalaga rin.

2. Magsuot ng sunglass. Bukod sa pagiging sosyal at “in”. pinuprotektahan ng sunglass ang ating mata laban sa masasamang ultraviolet rays ng araw. Ang ultra­violet rays (UV rays) ay puwedeng “makasunog” sa looban ng ating mata (retina). Bumili ng sunglass na may markang UV-A at UV-B protection.

3. Mag-ehersisyo. Ang 30 minutes na ehersisyo ay puwedeng magpababa ng pressure ng mata. Ang paghinga nang malalim at pagrelaks ay makatutulong din sa glaucoma, kung saan mataas ang pressure ng mata.

4. Mag-ingat sa sports. Puwedeng magsuot ng espesyal na protection eyeglasses, na nabibili sa mga sports shops. Gawa ito sa polycarbonate, isang uri ng matigas na plastic. Nakita mo ba ang mga NBA players na may suot ng salamin­? Ito’y para protektahan ang kanilang mata.

5. Maghugas ng kamay. Para makaiwas sa sore eyes. Huwag ding basta-bastang magkamot o punasan ang mata. Gumamit ng panyo o tissue.

6. Ipahinga ang mata. Puwede mong ipikit ang mata habang ika’y nakasakay sa kotse o kaya ay may kinaka­usap sa telepono. Matulog din ng 7-8 oras.

7. Maghugas ng mata sa paggising at bago matulog. Gumamit lang ng malinis na tubig.

8. Ipa-check ang iyong blood sugar. Kung ika’y may diabetes, malaki ang tsansang mag­karoon ng diabetic eye disease. Siguraduhing mababa ang iyong blood sugar sa pamamagitan ng ehersisyo at gamot.

9. Umiwas sa nakasi­silaw na bagay. Huwag tumitig sa araw at maliwanag na ilaw. Ito ang pinakamahalagang payo para hindi masira ang ating mata. Diliman ang computer screen at telebisyon para hindi masilaw.

Show comments