Cagayan Valley: Illegal gambling capital ng norte

Naglipana ang mga ilegal na sugalan sa Cagayan Valley region. Sa dami ng mga ilegal na sugalan dito, maaari nang tawaging “illegal gambling capital of the north”.

Sa Santiago City, Isabela, namamayagpag ang dropball, salisi at color games sa tapat mismo ng barangay hall ng Victory Norte at eskwelahan.  Wala na nga raw hindi nakakakilala kay “Jayson”, ang operator ng pasugalan dito. At ang mga awtoridad dito ay nagbubulag-bulagan sa operasyon ni Jayson.

Ilang barangay din sa Santiago City ang nagtayo na rin umano ng pasugalan sa tabi ng perya. Kapag pista pinapayagan ng pamahalaan ang peryahan upang makalikom ng pondo. Ngunit kung buong taon na ang operasyon ng peryahan, nangangahulugan bang buong taon ay pista rin?

Sa Cauayan City, Isabela, tatambad sa Talavera Compound ang dropball na kinababaliwan umano ng mga traysikel drayber at mga estudyante ng Ilagan State University. Ang pasugalan din ni alyas Boyet sa Bgy. Baculod ay hindi matumbok-tumbok ng awtoridad kahit sila na lang ang hindi nakakapansin dito.

Kung sa Nueva Vizcaya, kapansin-pansin ang “dropball at iba pa” sa bayan ng Bambang na animo’y permanente na sa lugar at kulang na lang ipagtirik ng sariling bandila at karatulang “Welcome loyal players ni Angelo”.

Kapag dumako naman sa Peñablanca, Cagayan, kaparehong dropball, salisi at color games ang tatambad sa national highway sa Bgy. Camasi.  Anang impormante, lingguhan daw kasing may “papiring” sa mga kinauukulan kaya wala silang nakikitang “masama” rito.

Lugmok na sa sugal ang mga taga-Cagayan Valley. Hindi na sapat ang ilegal na “Peryahang Bayan” ng Globaltech Gaming na noo’y ni-raid pa mismo ni dating Region 1 PNP Regional Director Jun Azurin na ngayo’y PNP chief. Idagdag pa ang kinababaliwang jueteng sa anyong STL at mga nakakubling online sabong operations na hindi matunton-tunton ng kamay ng batas!

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments