^

PSN Opinyon

Reyalidad sa pangingibang-bansa

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami sa ating mga Pilipino ang nangarap at naghangad na manirahan at magtrabaho sa ibang bansa sa iba’t ibang kadahilanan. Karaniwan ng rason ang kababaan ng sahod at kawalan o kakapusan ng magandang oportunidad at kawalan ng asenso o sapat na trabaho sa Pilipinas. Meron ding mga Pilipino na kahit hindi nila plinano o binalak, hindi nila magawang tanggihan kapag merong dumating na mas magandang oportunidad na makapanirahan at makapagtrabaho sila sa ibayong-dagat.

Ilan sa dahilang maririnig sa mga overseas Filipino worker ang mabigyan ng magandang buhay at kinabukasan ang kanilang pamilya, makapagpatayo ng sariling bahay, mapagtapos sa pag-aaral ang mga anak, maipagamot ang may sakit na miyembro ng pamilya, makaipon ng malaking pera at makapagnegosyo, umasenso, matustusan ang araw-araw nilang pangangailangan, at iba pa. Paalala nga ng isang kakilala kong OFW sa isa niyang kapwa OFW na nawalan ng pasensiya sa napakahigpit nilang amo, “Narito tayo sa ibang bansa dahil sa pera.”

Hindi nga kataka-taka na saan mang panig ng mundo makarating ang isang Pilipino, hindi maaaring hindi siya makatagpo doon ng kanyang kababayan. May mga Pilipinong permanente nang naninirahan at naging citizen na sa dinayo nilang bansa. Dito sa atin sa Pilipinas, maraming pamilya ang merong anak, asawa, apo, kapatid, magulang o ibang kamag-anak na overseas Filipino worker o permanenteng migrante sa iba-yong-dagat. Dumating nga ang panahon na naging isa nang sektor sa ating lipunan ang mga OFW na dahil sa laki ng kanilang bilang at kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas ay itinuturing nang mga bagong bayani. Pero hindi lang naman mga OFW ang nakakaambag sa ating ekonomiya dahil nakakatulong din dito ang mga Pilipinong permanente nang naninirahan sa ibang bansa sa pamamagitan ng perang ipinadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Gayunman, magkakaiba ang sitwasyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa. Kung marami sa kanila ang nagtagumpay o umasenso sa buhay, marami rin ang naghihirap pa rin o nakaranas ng kabiguan o umuwing luhaan sa Pilipinas. Napakahaba na ng listahan ng mga OFW na nabiktima ng pagmamaltrato, kalupitan, pang-aabuso, pagsasamantala, pananakit, pang-aalipin, panlilinlang, at iba pang paglapastangan sa kanilang karapatang pantao sa ibang bansa.  May mga OFW na nasangkot sa mga krimen, nakulong o nabitay. Hindi na bago sa pandinig kapag may napapabalitang OFW na pinatay ng kanilang employer.  Hindi nasasawata ang illegal recruitment at human trafficiking na nagpapahirap sa mga gustong maging OFW ano mang mga paghihigpit na gawin ng pamahalaan. May mga OFW na kahit tumagal nang napakaraming taon sa ibang bansa, wala pa rin silang naiipon o naipupundar para sa kanilang kinabukasan. Meron ding mga migranteng Pilipino na kahit permanente na silang mamamayan sa isang dayuhang bansa, lagi pa rin silang kinakapos sa buhay, nababaon sa utang at kailangang may dalawang trabaho o mahigit pa para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sa madaling sabi, hindi lahat ng Pilipinong nasa ibang bansa ay mayaman o mapera o maganda ang buhay.

Meron ding mga dayuhang bansa na madalas mangyari iyong mga mass shooting (iyong bigla na lang merong namamaril sa mga matataong lugar) o umiiral na racial discrimination o iyong tinatawag na hate crime na ang sino mang hindi kalahi ng mga lokal na mamamayan doon ay inaalipusta, inaaway, sinasaktan  o mas masahol iyong pinapatay. Nadadamay din dito ang mga Pilipinong namumuhay sa mga bansang ito at meron na sa kanila na nabiktima ng hate crime na ito.

Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lang sa mga reyalidad na dapat ding isaisip ng sino mang Pilipino na nagbabalak ma-ngibang-bansa. Mara-ming salik na kailangang isaalang-alang bago magdesisyong lumipad palabas ng Pilipinas. Walang sino man na makakapigil sa isang Pilipinong pursigidong hanapin ang kanyang kapalaran sa isang dayuhang lupain. Sa katunayan, kahit dumaan ang pandemya, daan-daan pa ring Pilipino ang lumabas ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa.  Pero sana ay isaalang-alang niya ang lahat ng positibo at negatibong implikasyong maaari niyang kaharapin. Maaaring gawing aral o gabay ang naging buhay ng mga nagdaan at kasalukuyang OFW o ng ibang mga Pilipinong namumuhay sa ibang bansa para hindi maligaw ng landas. Mga paalalang nais ko rin sanang iparating sa ilan kong kaibigan na naglilitanya sa social media na kanilang kinukumbinsi ang kanilang mga anak o apo na mangibang-bansa dahil sa kakapusan ng magandang oportunidad dito sa Pilipinas.  Hindi nga kasi ganoon kadali ang manirahan sa ibayong-dagat.

Gayunman, kahit na sabihing may kakapusan sa magandang oportunidad sa Pilipinas, mas nakakarami pa rin ang mga Pilipinong nananatili sa ating bansa.

Sa pagkakatanda ko, batay sa naglalabasang mga datos, umaabot sa 12 milyon ang mga Pilipinong namumuhay sa iba’t ibang dayuhang bansa sa mundo. Pero mahigit pa sa 100 milyon ang kasalukuyang populasyon ng Pilipinas. Ibig sabihin, napakaliit lang ng porsiyento ng mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa. May mga Pilipino pa rin na umaasenso, nagkakatrabaho ng maa-yos, nakakaipon, at nabibigyan ng maayos na kinabukasan ang kanilang pamilya kahit hindi sila mangibang-bansa. Hindi naman kailangang maging mayaman. Ang mahalaga ay magkaroon ng tahimik at maayos na buhay, nagsisikap, matiyaga at masipag. Hindi naman masisisi ang mga kababayan nating nagpa-syang mangibang-bansa pero hindi rin masisisi ang mga kababayan nating nanatili na lang dito sa Pilipinas.

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with