MALALA na talaga ang problema ng droga sa bansa. Walang tigil ang pagpasok ng illegal drugs. Wala nang kinatatakutan ang mga dayuhan. Siguro’y dahil alam nilang madaling suhulan ang mga awtoridad kaya malakas ang loob nilang magpasok ng droga. Basta may pera, kayang-kayang tapalan ang drug enforcers na makakatiklo sa kanila. At kung maimpluwensiya ang magpapasok ng droga, madaling maabsuwelto. Maraming mali sa sistema ng hustisya sa bansa kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa ilegal na droga. Dahil sa nangyayaring ito, hindi malayong maging drug haven ng drug syndicates ang Pilipinas (at nangyayari na nga). Kahit nagsagawa ng drug campaign ang nakaraang Duterte administration, wala ring nangyari at lalo pang lumubha. Mga maliliit na drug pushers lang ang nalambat.
Ang ginawang pagbubunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Virgilio Moro Lazo sa pagdinig ng House of Representatives noong Martes na sistema sa pagbibigay ng 30% ng nasamsam na droga sa tipsters ay masyadong nakababahala. Maski ang mga mambabatas ay hindi makapaniwala sa sinabi ng PDEA director. Ngayon lang sila nakarinig na droga ang bayad sa tipster. Ang sabi ng mga mambabatas, pera at hindi droga ang nararapat na bayad sa tipster.
Ang pahayag ni Lazo ay mariin namang kinontra ng Philippine National Police (PNP). Hindi umano nagbibigay ng anumang bahagi o kahit na katiting na bahagi ng nasamsam na droga sa sinumang tipster. Wala umanong sistemang ganito na ang impormante ay pagkakalooban ng droga bilang pabuya.
Ayon kay PNP chief information officer Col. Redrico Maranan, ilegal ang pagbibigay ng droga sa impormante sapagkat ang mga nasamsam na droga ay dapat isumite sa korte bilang ebidensiya. At idinagdag ni Maranan, ano raw ang mangyayari sa 30 percent na droga na natanggap ng tipster. Sabi pa niya, mayroon silang reward valuation system kung saan ang monetary amount na ibibigay sa tipsters ay nakadepende sa kanilang kontribusyon sa tagumpay ng anti-illegal drugs operations.
Nararapat pang busisiiin ang ibinunyag ng PDEA director sa sinasabing pagbibigay ng droga bilang reward. Hindi tama ito. Kung 30 percent ng drogang nakumpiska ang ipagkakaloob sa tipster, i-recycle niya ito at tiba-tiba siya sa pera. Ano naman ang gagawin ng tipster sa nakuha niyang droga kundi ibenta muli. Ito ang dahilan kaya hindi maubus-ubos ang droga. Maraming nagre-recyle kabilang ang PDEG at PDEA enforcers.