TAMA ang sinabi ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang ginawang aksiyon ng China Coast Guard na pagtutok ng military grade laser sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ay mapanganib, mapangwasak at nagdedeestabilisa sa buong rehiyon.
Ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, nararapat tigilan na ng China ang ginagawa sa West Philippine Sea sapagkat nagdudulot ito sa pagkawasak ng kapayapaan sa rehiyon. Hindi umano dapat mangyari ang ganito.
Noong nakaraang Enero, nag-usap si President Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ukol sa mga dapat gawin o solusyon sa mga pinangingisdaan ng mga Pinoy. Sa mga nakaraan, nakararanas ng pagtataboy sa mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal. Sabi ni Xi, gagawa umano ng mga hakbang para magkaroon nang maayos na solusyon sa problema. Ayon pa kay Xi, kailangang may magandang pag-uusap para hindi humantong sa hindi magandang sitwasyon.
Pero walang nangyari sa pangako ni Xi sapagkat muli na namang nakaranas ng pambu-bully at pagtutok nga ng military laser sa mga miyembro ng PCG. Nasaan ang pangako gayung kapapag-usap lang nila. Makakalimutin na ba ang Chinese president o hindi siya sinusunod ng kanyang mga tauhan. Mahirap makipag-usap sa taong ganito na hindi mapanghahawakan ang salita.
Sa ganitong sitwasyon na halos paulit-ulit ang ginagawa ng CCG sa West Philippine Sea, hindi malayo na mangyari uli ito—at baka hindi lamang laser ang itutok sa mga miyemro ng PCG.
Nakapagbibigay pag-asa naman ang sinabi ni President Marcos na kahit isang pulgada ng teritoryo ay hindi mawawala sa Pilipinas sa kabila ng mga nangyayaring tension sa WPS.
“This country will not lose one inch of its territory. We will continue to uphold our territorial integrity and sovereignty in accordance with our Constitution and with international law,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati sa Philippine Military Academy Alumni Homecoming sa Baguio City.
Dapat lang. Nararapat magkaisa ang mga Pilipino. Tutulan ang ginagawa ng China.