EDITORYAL - Dapat nang linisin ang Bureau of Immigration
Patuloy ang corruption sa Bureau of Immigration (BI). Kahit marami nang opisyal ang napatalsik dahil sa “pastillas scam” noong 2021, hanggang ngayon marami pa palang korap sa nasabing tanggapan. Hindi pa rin sila tumitigil at mas bumabangis pa. Nasa mahigit 30 BI personnel ang sinibak ni dating President Duterte noong 2022 dahil sa “pastillas scam” na binulgar ni Sen. Risa Hontiveros. Tinawag na “pastillas” dahil ang perang ipinangsusuhol sa mga “buwayang” BI personnel ay nakabilot na animo’y matamis na pastillas. Mula 2017 hanggang 2019, dumagsa sa bansa ang mga Chinese na nagbabayad ng P10,000 bawat isa para makapasok nang walang problema. Ang mga Chinese ay nagtatrabaho sa POGOs. Malaking pera ang nakamal ng mga korap BI personnel sa mga pumapasok na Chinese sa bansa.
Minsan sa galit ni Duterte, pinatawag nito ang mga sangkot na BI personnel sa Malacañang at pinagmumura mula ulo hanggang paa. Pagkatapos murahin, isa-isang binigyan ng mga binilot na pera na korteng pastillas at inutusan ang mga ito na kainin.
Pero hindi pa pala sa “pastillas” nagwawakas ang kadupangan ng mga BI personnel sapagkat sangkot din pala ang ilan sa kanila sa human trafficking. Kung noon ay mga papasok sa bansa na mga Chinese at ibang lahi ang pinagkakaperahan, ngayon mga kapwa Pinoy na ang inieskortan para makalabas sa bansa basta magbayad ng P100,000 bawat isa. Sa ginawang imbestigasyon ng Senado sa pamumuno ni Senator Hontiveros, tatlong BI personnel sa Clark International Airport ang ikinanta ng mga biktima. Pagkatapos umano nilang magbayad sa tatlong BI personnel, malaya silang nakalipad patungong Myanmar. Ayon sa nag-recruit sa kanila, magiging customer support representative sila sa Thailand. Subalit nang makarating sa Thailand, dinala sila sa isang liblib na lugar sa Myanmar at doon pinagtrabaho bilang cryptocurrency scammers. Walong Pinay ang nabiktima ng recruiter na nakipagsabwatan sa BI personnel. Nakauwi na ang walong Pinay noong nakaraang linggo.
Napakarumi ng BI at nangangailangan na ng todong paglilinis. Sagad na sa katiwalian na nakikipagsabwatan sa mga recruiter para mapaalis nang walang problema ang mga Pinay. Isinusubo sa kapahamakan ang mga kababayan kapalit ng pera. Dapat kumilos ang BI commissioner upang malipol ang mga buwaya sa kanyang tanggapan.
- Latest