EDITORYAL - Taas pasahe ng MRT at LRT

Patuloy na naman ang pagtaas ng petroleum products. Nagpahinga lang ng ilang linggo at muli na namang tataas sa Martes. Babawiin ang mga ni-rollback ng mga nakaraang linggo. Kaya nanga­ngamba na naman ang mga drayber ng jeepney na balik uli sa dating maliit na kinikita dahil sa panibagong pagtataas ng petroleum products. Hindi na nakapagtataka kung humirit ng dagdag pasahe sa jeepney ang mga operators. Sa kasalukuyan, P12 ang minimum fare sa jeepney. Kapag humirit ng dagdag pasahe sa jeepney, tiyak na tatamaan ang mga manggagawang karampot ang kinikita.

Ang pagtataas ng petroleum products ay kasabay naman sa pagtaas ng inflation rate. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Halos wala nang mabili ang karampot na kinikita. Kamakailan, isinusulong ng mga manggagawa ang increase sa kanilang sahod. Hindi na akma ang minimum wage sa Metro Manila na P570.00. Wala nang mabili ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa.

Ang isang tiyak na magtataas sa susunod na buwan ay ang pasahe sa MRT-3, LRT 1 at 2. Ayon sa Department of Transportation (DoTr), nagkaroon na ng hearing noong Biyernes at pinaplantsa na ang pagtataas. Irerekomenda na umano ang proposed hike at magkakaroon ng desisyon sa loob umano ng 15 araw.

Ayon sa report, ang MRT-3, ay posibleng magkaroon ng fare hike na P4 hanggang P6.

Iminumungkahi naman ng LRT-1 ang fare increase sa P17 hanggang P44 mula sa kasalukuyang P11 hanggang P30. Balak naman ng LRT-2 na itaas ang pamasahe sa P14 hanggang P33 mula sa kasaluku­yang P12 hanggang P28. Iminungkahi rin nito na itaas sa P15 hanggang P35 ang pamasahe sa single value tickets mula sa kasalukuyang P15 hanggang P30.

Wala nang makakapigil sa pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT. Ang huling pagtataas ay noon pang 2015. Ayon sa mga namumuno, malaki na ang pagkalugi dahil sa pandemic noong 2020 at 2021.

Papasanin ng publiko ang pagtataas sa MRT at LRT. Ang nakadidismaya lang, magtataas ng pamasahe kahit na depektibo ang mga train. May mga train na tumitirik at napipilitang maglakad ang pasahero para lumipat ng train. May mga train na atrasado sa pagdating.

Isaayos muna sana ang mga depekto bago magtaas ng pasahe para hindi kawawa ang mga pasahero.

Show comments