EDITORYAL - Kinawawa ang mga magsisibuyas
Harinawang may marating ang isinasagawang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa binansagang “sibuyas queen” na si Lilia “Lea” Cruz. Matagal na palang ipinatatawag ng mga mambabatas si Cruz dahil sa mga isyu ng hoarding at pagmamanipula sa presyo ng sibuyas pero walang nangyayari sa mga pag-iimbestiga. At ngayon, lumutang na naman ang pangalan niya at binansagan pang “sibuyas queen”.
Noong nakaraang Disyembre 2022 pa muling lumutang ang pangalan ni Cruz sapagkat sobrang nagmahal ang bawat kilo ng sibuyas na umabot sa P700. At bukod sa mahal, walang mabili sa mga palengke. Iyon pala, itinatago ang mga sibuyas. At dahil marami ang itinatago, nagkandabulok na umano ang marami. Itinapon na lang dahil hindi na mapakinabangan.
Habang hino-hoard ang sibuyas, nagdagsaan naman ang smuggled na sibuyas sa merkado. At siyempre dahil mas mura ang smuggled, mas nabibili ito kaysa mga lokal na ani. At sa nangyari, kawawa ang mga lokal na magsasaka o nagtatanim ng sibuyas. Sa Occidental Mindoro, sinasabing itinapon na lamang ng mga magsasaka roon ang kanilang sibuyas dahil sa sobrang mura.
Hindi lamang ang pagho-hoard ang naging isyu kay Cruz sa isinagawang pagdinig noong Martes. Nabulgar din ang mga tseke nitong tumalbog na ibinayad niya sa mga magsasaka ng sibuyas sa Occidental Mindoro at Nueva Ecija. Mula pa umano 2014 hanggang 2016 ay bumibili na ng sibuyas si Cruz sa mga magsasaka ng dalawang nabanggit na probinsiya subalit pawang talbog ang tseke na ibinabayad nito.
Ayon kay Israel Reguyal, president ng Bonina Cooperative sa Bongabon, Nueva Ecija, kilala niya si Cruz dahil ito ang namamakyaw ng sibuyas sa kanilang grupo na matapos ito ay nawawala ang supply ng sibuyas at saka papasok ang importasyon ng nasabing produkto. Ayon kay Reguyal, noong 2013, 80,000 bags ng sibuyas na nakapangalan kay Cruz ang ipinalagay nito sa storage facility pero 15,000 bags lang ang binayaran at dahil dito, P30 milyon ang nalugi umano sa kanya.
Nararapat na halukayin pa ang isyung ito. Kawawa naman ang mga magsasaka ng sibuyas na pinapatay dahil sa ginagawang pagmamanipula. Parusahan nang mabigat ang nagkasala.
- Latest