EDITORYAL - Tagumpay laban sa mga sumisira sa kalikasan
SALAMAT at umaksiyon din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa matagal nang panawagan na kanselahin ang kasunduan laban sa mga kompanyang lumalabag sa kasunduan sa pagku-quarry at pagmimina. Ang mga paglabag na ito ang pinag-uugatan ng pagkasira ng kapaligiran lalo na sa mga watershed protected areas. Hindi isinasaalang-alang ng mga kompanya ang magiging masamang epekto ng kanilang walang patumanggang pagku-quarry na maglalagay sa panganib nang maraming tao. Kapag ipinagpatuloy ang walang habas na pagku-quarry at pagmimina, masisira ang kabundukan, guguho ang lupa, at babaha ng putik at bato. Malilibing ang mga nakapaligid na barangay.
Pagkaraan ng tatlong taon na kampanya ng Upper Marikina Watershed Coalition, narinig din at natamo nila ang hinihiling para maipatigil ang isinasagawang quarrying sa Upper Marikina watershed sa mga bayan ng Baras at Tanay, Rizal. Kinansela ng DENR ang tatlong mineral production sharing agreements (MPSAs) sa quarry operators.
Sa kautusan na may petsang Disyembre 19, 2022 na inilabas lamang ngayong linggo, nakasaad ang pagkansela sa MPSAs ng mga kompanyang Rapid City Realty and Development Corp., Quarry Rock Group, Inc. at Quimson Limestone, Inc. Ang order ay nilagdaan ni Environment Undersecretary Juan Miguel T. Cuna. Ang kanselasyon ng MPSAs ng tatlong kompanya ay para sa 1,343 ektarya sa mga barangay ng Pinugay, Baras; at Cuyambay at Tandang Kutyo, Tanay.
Nakahinga nang maluwag ang mga residente ng mga nasabing barangay sa aksiyon ng DENR. Hindi lamang ang kanilang kaligtasan ang naisalba kundi ang marami pang mamamayan sa Metro Manila na maaaring maapektuhan ng baha kung hindi naipatigil ang quarrying.
Nagtagumpay din naman ang mga taga-Sibuyan, Romblon na maipatigil ang pagmimina sa kanilang lugar. Ipinatigil ng DENR ang operasyon ng ALTAI Philippines Mining Corp. dahil sa mga paglabag kabilang ang paggawa ng causeway na walang pahintulot ng environmental clearance. Nilabag din ng kompanya ang kautusan makaraang putulin ang mga kahoy. Nakahinga nang maluwag ang mga taga-Sibuyan sa aksiyon ng DENR.
Ang pagkilos ng DENR sa mga walang pakundangang kompanya na sumisira sa kalikasan ay harinawang pangmatagalan at hindi ningas-kugon lamang.
- Latest