NAKAPUPUYOS ng kalooban ang report na 9,000 bata ang inabuso, pinagmalupitan at biktima ng sexual abuse noong 2022. Ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC), ang report ay kinuha nila sa mga children protection units sa mga ospital at sa helpline ng CWC.
Ang nakagigimbal sa report ng CWC, nangyari ang pang-aabuso sa mga bata sa loob mismo ng kanilang tahanan. Bukod dito, naganap din ang pang-aabuso sa paaralan at komunidad. Ayon sa CWC, ang mga batang inabuso ay nasa edad 15-17.
Mula 2021 hanggang sa huling bahagi ng 2022 ay pawang naka-online ang mga estudyante. Ipinagbawal ang face-to-face classes dahil sa paglaganap ng nakahahawang COVID-19. At dahil nasa bahay ang mga bata, dito pala nagaganap ang pang-aabuso. Mas mahirap dahil walang mapagsusumbungan ang mga bata sa ginagawa sa kanila. Kanino sila magsusumbong kung ang kapamilya ang nagmamaltrato o umaabuso sa kanila? Mananatili na lamang tahimik ang mga bata sa ginagawang pang-aabuso.
Hindi nga sila nanganib sa COVID-19 dahil nasa bahay sila, pero mas matindi pa pala sa virus ang kanilang naranasan. Ang nakapanggigigil ay kung ang mga bata ay maging biktima ng sexual abuse ng sariling kadugo. Ito ang pinakamabigat. Sa halip na protektahan sila, kadugo pa pala ang dumadagit sa mura nilang katawan. Ang pambubugbog sa mga bata ng kanilang sariling magulang ay karaniwan na lamang nangyayari. May mga ina o ama na hinahampas ang kanilang mga anak sa kaunting pagkakamali.
Noong nakaraang linggo, na-report na may 404 na kabataan o estudyante sa public school ang nagpakamatay. Wala namang sinabi kung ano ang dahilan ng mga ginawang pagpapakamatay ng mga estudyante. Isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pagpapalakas ng mental health services sa mga paaralan.
Maaring may koneksiyon ang pang-aabuso sa mga bata sa nagaganap na pagpapakamatay. Maaaring hindi na makayanan ng mga bata ang bigat ng problema kaya naiisip magpakamatay. Wala naman silang mapagsumbungan.
Ang pagkilos ng DepEd sa problemang ito ay nararapat. Nararapat malaman ang problema ng mga bata. Malaki rin ang maitutulong ng Makabata Helpline sa pagtugon sa problema. Tawagan sila sa telephone number 1383, mobile numbers 09158022375 (Globe) at 09603779863 (Smart), email sa makabata1383@cwc.gov.ph