EDITORYAL - Mental health program sa mga paaralan, tutukan

NAGHAHATID ng pangamba ang mga nangyayaring karahasan sa mga paaralan na nauuwi sa malagim na kamatayan. Mula nang buksan ang face-to-face classes noong Nobyembre, dalawang malalagim na insidente na ang nangyari sa ilang paaralan sa Metro Manila at isa sa probinsiya. Ang mga pangyayaring ito ay hindi dapat ipagwalambahala ng Department of Education (DepEd). Nararapat gumawa nang mga mahuhusay na hakbang upang hindi na maulit ang mga karahasan na naiuugnay sa mental health problem ng mga estudyante.

Nakaka-shock ang nangyari sa Culiat High School sa Quezon City kung saan inundayan ng saksak ng 13-anyos na estudyante ang kanyang kaklaseng lalaki na ikinamatay nito. Ayon sa report, mismong sa classroom nangyari ang pananaksak. Matagal na umanong may alitan ang biktima at ang suspek.

Nakapagtataka lang kung paano naipasok ng suspek ang patalim. Nagkaroon ng kaluwagan sa seguridad sa nasabing eskuwelahan kaya nangyari ang krimen. Kung mayroon sanang nag-iinspeksiyon sa mga gamit ng estudyante maaring naiwasan ang malagim na pagpatay ng menor-de-edad sa kanyang kapwa estudyante.

Makaraan ang insidenteng iyon, isang 12-anyos na estudyanteng lalaki sa San Jose del Monte, Bulacan ang aksidenteng nabaril ang sarili sa comfort room ng school gamit ang baril ng kanyang amang pulis. Habang nasa CR, kinalabit ng bata ang gatilyo ng baril at sa kanya tumama ang bala. Patay ang bata.

Hindi rin malaman kung paano naipasok sa school ang baril. Nagkarooon din ng kapabayaan sapagkat hindi na nainspeksiyon ang mga bag o backpack ng estudyante. Nahaharap naman sa kaso ang amang pulis sapagkat hindi niya iningatan ang kanyang baril.

Ilang buwan na ang nakararaan, may naganap ding pagsusuntukan ng dalawang estudyante sa isang kilalang school sa Makati. Na-video-han pa ang pangyayari. Gumamit pa ng brass knuckle ang isa sa mga estudyante.

Ipinahayag naman ng DepEd na magsasagawa sila ng programa para sa mental health ng mga estudyante at ganundin sa seguridad ng mga ito. Kukuha umano ang DepEd ng mental health experts para bumalangkas ng programa. Ang mga karahasan daw ay may kinalaman sa isyu ng mental health. Ipinag-utos umano ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte sa kanyang regional directors na makipag-ugnayan sa mga autho­rities para matukoy ang mga school na kailangan nang matinding security check sa mga estudyante.

Maisakatuparan sana ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Show comments