Bumilis daw ang paglago ng ekonomiya noong 2022 at nahigitan ang target ng pamahalaan. Umangat ng 7.6 percent ang gross domestic product (GDP) na itinuturing na pinakamabilis sa loob ng 40 taon. Noong 1976 huling nakapagtala nang mataas na GDP na umabot sa 8.8 percent. Sabi ng Malacañang, ang naitalang paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon ay dahil sa mahusay na pamamahala ng Marcos administration. Nangyari ang paglago ng ekonomiya habang nakasakmal naman ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo na umabot sa 8.1 percent noong Disyembre 2022—pinakamataas sa loob ng 14 na taon. Ang kabuuang inflation rate para sa 2022 ay 5.8 percent.
Sino ba ang hindi matutuwa na sa kabila nang sinagasaan ng pandemya ang bansa at halos hilahod na ay mabilis pala ang paglago ng ekonomiya. Lahat ay nangangarap na makabangon ang bansa at umunlad na ang ekonomiya. Maraming nawalan ng trabaho nang manalasa ang COVID-19 noong 2020 at ngayon pa lamang unti-unting nagbabalikan ang mga nagsipagsarang negosyo. Marami pa sa kasalukuyan ang walang trabaho.
Sa kabila naman nang sinasabing pagbilis ng paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon, walang makitang pagbabago sa buhay ng mamamayan. Marami pa rin ang umaasa sa ayuda ng gobyerno. Marami ang nagdedepende sa libreng sakay sa bus na kamakailan ay ipinatigil na dahil sa kakapusan ng pondo. Marami pa rin ang namamalimos sa lansangan at nadagdagan ang namumulot ng basura.
Sa pinakahuling surbey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 10-14, marami ang nagsabi na walang nangyaring pagbabago sa kalagayan ng kanilang buhay sa loob ng 12 buwan. Marami rin ang nagsabi na sila ay nakaranas ng gutom sa huling quarter ng 2022.
Tumaas nga ba o bumilis ang pag-angat ng ekonomiya noong 2022? Mahirap maipaliwanag. Masasabi lang na tumaas ang ekonomiya kung nararamdaman na ito nang nakararaming Pilipino. Masasabing umuunlad kung wala nang umaasa sa mga ayuda sapagkat may mga trabaho na. Kung patuloy ang nadaramang paghihikahos, ang sinasabing GDP growth ay likha lamang ng malikot na imahinasyon.