NCIP at Kabugao officials, nahaharap sa reklamong graft

NANINIWALA ang mga Isnag sa Barangay Lenneng at Poblacion ng Kabugao, Apayao na napakahusay magma­dyik ang mga taga-National Commission on Indigenous People (NCIP)-Cordillera katulong ang mga inihalal nilang mga kinatawan sa munisipyo.

Hindi dahil mga empleyado ang mga ito sa karnibal, kundi dahil sa nagawang manipulahin ang prosesong Free Prior and Informed Consent (FPIC) pabor sa Pan Pacific Rene­wable Power Philippines Corporation (PPRPC) na nagba­balak itayo ang 150 megawatts Gened 1 Hydroelectric Power Project (HEPP) sa Apayao-Abulog River.

Mahigit 200 reklamong kriminal at administratibo ang pauna nang naihain sa Apayao prosecutor’s office at opi­sina ni Ombudsman Samuel Martirez upang panagutin ang kalapastanganan at inhustisya sa mga Isnag.

Isinakdal ng korapsyon, estafa, falsification sina NCIP-Cordillera Acting Regional Director Atanacio Addog, NCIP Provincial Officer Agnes Gabuat, NCIP-Apayao Provincial Legal Officer Geoffrey Calderon, Acting Head ng NCIP Kabugao Jezryl Inopia, at mga kabilang sa NCIP-Apayao FPIC team. Inirereklamo rin sina Kabugao Vice Mayor Fabulous Tucjang at Kabugao Indigenous People Manda­tory Representative (IPMR)  John Anthony Amid, at ilan pang pribadong taong kinasangkapan ng pangmamadyik upang busabusin ang batas at karapatan ng kanila mismong mga kababayan.

Nauna nang inireklamo ng taga-Barangay Lenneng ng administratibo at korapsyon sa Ombudsman noong Dis­yembre ang mga taga NCIP kasama ang mga opisyales ng Kabugao at 104 bilang ng kaparehas na reklamong kriminal sa Kabugao prosecutors’ office ngayong unang linggo ng Enero. 

Sa payak na paliwanag, kriminal na kasong naisampa sa Kabugao prosecutor’s office dahil sa manipulasyon sa FPIC process na pumapabor sa dam na ayon sa mga Isnag­ ay sisira sa kapaligiran, kabuhayan at kultura nilang katu­tubo. Administratibo naman sa Ombudsman dahil sa pagtalikod sa sinumpaang tungkuling pangalagaan ang karapatan ng mga Isnag.

 Ayon sa mga Isnag, mga pekeng pirma, pekeng mga pangalan at pirma ng mga taong patay ang nakalahad sa “December 23, 2019 community resolution” upang magtalaga ng ilan upang makipag-usap at pumirma sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagpapatayo ng Gened 1 Dam.

 Babala ng mga Isnag, panimulang hakbang pa lamang ang pagsasampa ng mga daan-daang reklamo ng Barangay Lenneng at Poblacion kaugnay sa pamemeke ng FPIC. Kahalintulad na mga reklamong kriminal at administratibo rin ang nakaumang na isampa ng mga Isnag sa siyam sa 21 pang barangay ng Kabugao na apektado sa pagtatayo ng dam.

 Sa gitna ng poot na kinakaharap ng mga Isnag, hindi sila makahanap ng sandigan sa katauhan ni Gov. Elias Bulut Jr., na kasalukuyan ding tagapangulo ng Regional Development Council (RDC) sa Cordillera at ng kinatawan sa Kongreso, ang kapatid ni Governor – Rep. Eleanor Bulut-Begtang.  Bakit?  Ang mga Isnag ay may iisang sagot!

* * *

Para sa suhestiyon:  art.dumlao@gmail.com

Show comments