MAGSING-IROG sina Jimmy at Jessica sa loob ng limang taon. Sobrang mahal nila ang isa’t isa. Pareho silang matino at praktikal kaya ayaw nilang magpakasal na walang maayos na trabaho. Kaya nagkasundo sila na magpapakasal lang kapag ang trabaho nila ay makapagbibigay na sa kanila ng maalwan na estado sa buhay.
Sa ika-anim na taon ng kanilang engagement ay handa na sila Jimmy at Jessica na magpakasal. Nakaplano na ang lahat ng detalye ng gaganapin na kasalan pati ang honeymoon kung saan sila pupunta. Tinulungan ng matalik na kaibigan ni Jimmy na makakuha ang dalawa ng marriage license dahil may kilala ito sa city hall. Sa gitna ng katuwaan, hindi nag-abala ang kahit sino sa kanila na tingnan kung nasunod ang patakaran na dapat ipaskil sa loob ng 10 araw ang aplikasyon.
Kaya naganap ang kasalan at dumiretso agad sa honeymoon sina Jimmy at Jessica. Nang matapos ang lahat ng kasayahan ay saka pa lang nagkaroon ng pagkakataon si Jimmy na tingnan ang mga dokumento ng kanilang kasal. Agad niyang napansin na ang petsa ng marriage license ay December 14, 1986 samantalang ang kasal nila ay ginanap noong December 13, 1986. Ano ngayon ang estado ng kanilang kasal?
Ito ay void ab initio o walang bisa mula sa umpisa. Ito ang sagot sa kaso ng People vs. Lara, 12583-R, Feb. 14, 1955. Ayon sa korte, kailangan na lahat ng dokumento sa kasal ay kumpleto sa petsa na gaganapin ang kasalan. At kung hindi ay walang bisa ang kasal mula sa umpisa. Sa kasong ito, ang paglalabas ng lisensiya pagkatapos ganapin ang kasal ay hindi sapat para maging legal ang nangyari.
Sa mata ng batas ay walang bisa o void ab initio ang kasal. Kahit sabihin pa na layunin sa batas ang pahalagahan ang legalidad ng kasal, ang kunsintihin o pagtakpan naman ang isang kasal na hindi sumunod sa proseso ay hindi rin dapat dahil magiging masamang halimbawa ito lalo sa publiko.
Kaya ano pa ang magagawa nila Jimmy at Jessica? Ito ay ang magpakasal sa pangalawang pagkakataon (71 SCRA 505) pero siguro ay hindi na masyadong magarbo tutal ay hindi naman makakasama sa kanila ang magkaroon ng pangalawang honeymoon.