EDITORYAL - ‘Lumilipad na kabaong’
Dagok sa Philippine Air Force (PAF) ang pagbagsak ng kanilang SF260 plane sa isang palayan sa Bataan noong Miyerkules. Namatay ang dalawang piloto ng eroplano na nakilalang sina Captains Ian Gerru Pasinos at Jhon Paulo Aviso. Ayon sa tagapagsalita ng PAF, pabalik na sa kanilang base ang eroplano nang maganap ang aksidente. Ang PAF ay may apat na SF260 plane na binili noong 1990. Dahil sa aksidente, ang tatlong natitirang eroplano ay grounded.
Dinala na umano ang mga bangkay ng dalawang piloto sa kani-kanilang probinsiya. Ayon sa report ang dalawang piloto ay mga bihasa o sanay na sanay na sa pagpapalipad ng eroplano at marami na silang natanggap na karangalan at medalya ng kagitingan. Kabilang dito ang Gold Cross Medals dahil sa pakikipaglaban sa iba’t ibang combat operations. Kabilang ang dalawa sa mga nakipaglaban sa Maute group sa nangyaring labanan sa Marawi noong 2017.
Nakipaglaban din ang dalawa sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Bohol noong 2017 at sa isang operasyon laban sa mga terorista sa Lanao del Sur ng taon ding iyon.
Malawak ang karanasan nina Pasinos at Aviso sa pagpapalipad ng SF260 kaya marami ang nagtataka kung bakit ito bumagsak. Ayon sa magsasakang nakasaksi sa pangyayari, nakita niyang pagiwang-giwang ang eroplano at mababa ang lipad nito hanggang sa biglang bumulusok sa palayan. Hindi na nadala sa ospital ang dalawang piloto sapagkat namatay ang mga ito sa pinangyarihan ng aksidente.
Nakalulungkot naman ang sinabi ng tagapagsalita ng PAF na walang ejection mechanism ang SF260. Ayon kay Col. Ma. Consuelo Castillo, karaniwan nang sa mga biglaang pangangailangan ay nagpa-parachute ang piloto ng SF260 subalit hindi ito nagawa ng dalawang piloto dahil sa kawalan ng ejection mechanism.
Nararapat nang ang huwag nang paliparin at manatili na lamang sa hangar ang nalalabing tatlong SF260. Huwag nang gamitin pa sapagkat wala palang mekanismo ito na mai-eject ang piloto kung may emergency. Huwag nang dagdagan pa ang masasayang na buhay dahil sa mga dispalinghadong eroplano.
Sikapin naman ng PAF na magkaroon ng mga bagong eroplano at nang hindi na maulit ang trahedya. Karamihan sa mga eroplano ng PAF ay donasyon ng U.S. na ginamit noong kopong-kopong pa. Masakit mang sabihin, na “kabaong na lumilipad” ang ginagamit ng PAF.
- Latest