Kailangang maramdaman pa ng taumbayan ang positibong epekto ng ipinagmamalaking pag-asenso sa ekonomiya ng pamahalaan. Wala pang ginhawang nararamdaman lalo na ang sektor ng mga mahihirap. Katunayan, kahit ang mga nasa middle class na mamamayan ay apektado rin ng mataas na presyo ng bilihin.
Hindi ko tiinututulan ang pahayag ng World Economic Forum na kabilang ang Pilipinas sa mga may magandang economic performance sa Southeast Asia. Hindi rin kokontra riyan ang mga dalubhasang ekonomista. Pero mayroong ibang pagkaunawa ang ordinaryong mamamayan sa “magandang takbo ng ekonomiya”.
Ito ay kung gaano kalakas ang buying power ng kanilang salapi. Sa harap ng walang patumanggang pagtaas sa halaga ng pangunahing bilihin, mahirap kumbinsihin ang marami na mahusay ang takbo ng ekonomiya.
Wala pa kasing “trickling down effect”. Ibig sabihin, ang epekto sa halaga ng mga produkto o kaya’y mas mataas na sahod ng mga empleyado. Hindi naa-appreciate ng mga taong nagugutom ang kawastuan ng economic managenent na ginagawa ng pamahalaan.
Ang nais ng tao “ahora mismo” ay guminhawa ang buhay nila. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumago sa 7.6 percent ang ekonomiya noong 2022. Wala akong tutol diyan.
Pero may mga artificial factors na dahilan sa pagtaas sa presyo ng paninda na dapat sugpuin ng pamahalaan. Ito ay ang price manipulation ng mga negosyante na dito’y posibleng sangkot ang ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Iyan ang problemang dapat mabilisang solusyunan ng pamahalaan para maramdaman nating lahat ang maunlad na kabuhayan.