May mabuti at masamang dulot lahat ng imbensyon ng tao. Dalawa ang bersyon kung paano pinatay ni Cain si Abel. Ayon sa book of Jasher, binambo sa ulo si Abel ng araro ni Cain. Sa book of Genesis, winakwak ni Cain ang tiyan ni Abel ng patalim. Pambungkal ng lupa ang araro sa maramihang pagtatanim, para sumapat ang pagkain. Pamputol ng halaman at panghiwa ng karne at balat ang patalim. Parehong pinadadali ang trabaho, pero ginamit sa murder.
Natutunan ng tao gamitin ang apoy na panluto, pampainit, pang-ilaw at panggawa ng kagamitan. Pero naging pang-api ang apoy – pangsunog ng bukirin o bahayan ng kalaban.
Dahil sa diesel, kerosene at gasoline, nakakalakbay ang tao sa pamamagitan ng barko, eroplano at kotse. Umuunlad ang kalakal at kultura. Pero emissions ng sasakyan ang pangunahing sanhi ng air pollution. Pinagmumulan ng sakit sa baga.
Isa sa pinakamurang renewable energy sources ang wind turbine. Mabisang pamalit sa fossil fuels na nagpaparumi ng hangin. Pero maingay ang wind farms kung sabay-sabay umaandar ang turbines. Depende sa lugar, panahon at species, nakakamatay pa ng ibon na nagkakawan pasalubong.
Merong 360 longitudes at 180 latitudes, imaginary lines paikot ng mundo silangan hanggang kanluran at hilaga hanggang timog. Nabubuo nu’n ang 64,800 grids o parilya. Sa 10,000 nu’n, kung saan may siyudad sa kalupaan, balak ni Elon Musk magpalipad ng tig-isang sub-orbital satellite. Nakaka-3,000 na raw ang Starlink Company ni Musk. Kung makamit niya ang target, magkaka-telecomunications lahat ng 7.8 bilyong tao. Pero umaangal ang mga astronomers. Dahil sa ilaw ng 10,000 satellites, liliwanag ang gabi. Hindi na sila makakasilip ng teleskopyo sa kalawakan na kailangan ang madilim na paligid. Dapat balansehin ang kabutihan at kasamaan ng mga imbensyon.