‘Di-nakakatulog
Ayon kay President Bongbong Marcos Jr., hindi raw siya nakakatulog dahil sa isyu ng South China Sea. Sinabi niya ito nang makapanayam siya sa Davos, Switzerland kung saan ginanap ang World Economic Forum. Nauna nang nagpunta si Marcos sa opisyal na paglalakbay sa Beijing kung saan tinalakay niya sa wikang diplomatiko ang isyu ng South China Sea. Isang pinagkasunduan ang sinasabing naabot sa kanyang pakikipag-usap kay President Xi Jinping. Isusulong ng dalawang bansa ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon kabilang ang kalayaan sa paglalayag at overflight. Sa tingin ko, lip service lang ang nangyari. At tama ako.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, itinaboy ng Chinese Coast Guard ang bangkang pangisda ng Pilipino sa Ayungin Shoal, ang lugar kung saan matatagpuan ang BRP Sierra Madre. Ang insidente, na nakunan sa video, ay naganap ilang araw lamang pagkatapos ng pagbisita ni Marcos sa China. Akala ko ba may pinagkasunduan na sila ni Xi Jinping?
Hindi kailanman tatalikuran ng China ang pag-angkin sa South China Sea. Hindi nila kailanman iginalang ang desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration tungkol sa bisa ng kanilang Nine Dash Line. Malinaw na tagumpay para sa bansa ngunit sa kasamaang-palad, kahit ang UN ay walang paraan upang ipatupad ang desisyon. Gayunpaman, ang desisyon ay batay sa mga internasyonal na batas na namamahala sa karagatan kung saan nilagdaan ng China.
Ang mga pahayag ni dating President Duterte na tinawag ang desisyon na pirasong papel na itatapon sa basurahan ay hindi nakatulong sa kaso ng bansa at pinalakas pa ang loob ng China na gawin ang gusto nila dahil may kakampi sila sa Malacañang. Kung paano haharapin ni Marcos ang isyung ito ay hindi pa nakikita. Ang dapat ding magpapuyat sa kanya sa gabi ay ang kalagayan ng ating mga mangingisda. Ang insidente sa Ayungin Shoal ay nagpapatunay lamang ng kayabangan ng China. Ipinakikita kung sino ang namumuno sa karagatan.
Ang mga barkong pandigma at eroplano ng U.S. ay madalas lumayag sa South China Sea para ipakita ang kalayaan sa paglalayag at mga overflight. Hindi ito pinalalampas ng China at binabalaan ang mga nasabing barko at eroplano na hindi rin pinapansin ng mga Amerikano. Naniniwala ako na dapat nilang ipagpatuloy ito kahit na patindihin ng China ang kanilang mga hamon. Hindi lang U.S. ang nagsasagawa ng paglayag sa karagatan kundi pati ibang bansa para magbigay ng malinaw na mensahe na malaya dapat ang karagatan.
Hindi ko alam kung ang isyu ng South China Sea ay magkakaroon ng isang resolusyon na sang-ayon sa lahat. Tandaan na hindi lamang tayo ang bansa na nag-aangkin sa ilang lugar ng karagatan. Ang mahalaga ay mapanatili natin ang matibay na pagkakaibigan sa U.S. na makapangyarihan nating kaalyado. Sa pagtaas ng tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, maaari tayong masangkot kung tutulong ang mga Amerikano sa Taiwan.
Sa palagay ko, maaaring hindi makakatulog nang maayos si Marcos.
- Latest