Tips sa pagsalubong sa Chinese New Year para maging masuwerte
Para sa mga Tsinoy, ang pagsalubong sa Chinese New Year ay isang mahalagang cultural tradition. Gusto nilang simulan nang tama ang bagong taon upang maging swerte, mapayapa, at masagana ang buong taon.
Ang Chinese New Year ay mas maagang ipinagdiriwang ngayong 2023. Ito ay karaniwang tumatama sa buwan ng Pebrero, ngunit ngayong taon, ito ay ipagdiriwang sa Linggo, Enero 22 base na rin sa Chinese Lunar Calendar na siyang hudyat ng simula ng tagsibol o spring.
Ang taong 2023 ay Year of the Water Rabbit. Ang kuneho ay pinaniniwalang kalmado, malayo sa tigre ng nakaraang taon na agresibo. Sila ay naiuugnay din sa pag-ibig, pagmamalasakit, romansa, karangyaan, at kasiyahan sa buhay, sabi ng kilalang geomancer at Feng Shui expert na si Master Hanz Cua na aking nakapanayam kamakailan para sa isang episode ng Pamilya Talk.
Ang water rabbits ay banayad at bukas sa pakikipagkasundo kaya’t may tsansa na maayos ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. "Sana," sabi ni Master Hanz. “Hindi na ganoon kainit ang ulo nila.”
Ang hindi lang maganda sa kuneho ay hindi sila loyal o tapat. "Pwedeng magkaroon ng infidelity or cheating sa relationship, both sa personal life at sa business," sabi niya.
Narito ang ilan pang tips mula kay Master Hanz kung paano natin sasalubungin ang Chinese New Year para maging masuwerte:
1. Magsuot ng asul at maglagay din ng ganitong kulay sa iyong tahanan, tindahan at opisina. Ito ang itinuturing na pinakamaswerteng kulay sa Year of the Water Rabbit, at pinaniniwalaang nagdudulot ng malinaw na pag-iisip, mabuting komunikasyon, pagiging tapat at pagiging bukas.
2. Sa ating tahanan
- Siguruhing maliwanag ang iyong kabahayan bago ang Chinese New Year. Palitan ang mga sirang bumbilya at tiyaking malinis ang mga ito.
- Siguruhing malinis ang buong bahay. Ipagawa, ibenta o itapon ang mga sirang appliances at kagamitan dahil ang mga bagay na ito ay pinaniniwalaang nag-iimbita ng negative energy. Sa salitang Tsino, ang 'alikabok' ay katunog ng 'luma,' kaya ang paglilinis ng bahay ay simbulo ng pagtataboy sa bad luck ng nakaraang taon. Linisin ang kalan at kusina dahil ito ay maaaring makaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga nakatira dito.
- Palitan ang maruruming kurtina, kumot, at unan. Kung single ka, gumamit ng pink na bed sheet para makaakit ng bagong pag-ibig, at pula kung may asawa ka, para magdala ng positive energy at good luck.
- Ayusin ang mga tumutulo o sirang gripo.
- Gawing masaya at maingay ang iyong tahanan. Hindi mo kailangang bumili ng mga paputok para rito. Maaari kang magpatugtog ng musikang pampaganda ng mood o kumanta sa videoke.
- Siguruhing puno ang tangke ng LPG, rice dispenser at ang mga lalagyan ng asukal at asin.
- Tiyaking walang problema ang main door ng inyong bahay dahil ito ang nagsisilbing bibig ng inyong tahanan. Kapag hindi naayos ang sirang pinto, ito maaaring maging sanhi ng mga problema sa tiyan, pancreas, atay, at ulcer.
- Magpagulong ng prutas na kiat kiat sa inyong tahanan. Magsimula sa main door, patungo sa bawat silid, mula sa ground floor na paakyat. Ito ay sumisimbolo sa pagpasok ng magandang kapalaran sa iyong tahanan.
- Mag-display ng 12 uri ng prutas na sumisimbulo sa kasaganahan bawat buwan ng taon. “Hindi 9, hindi 13,” paglilinaw ni Master Hanz. Ang mga prutas ay hindi rin kinakailangang bilog.
- Magsindi ng siyam na piraso ng insenso para makaiwas sa malas.
3. Siguruhing madaming lamang pera ang inyong wallet. Maglagay din ng barya sa iyong mga bulsa upang maakit ang pag-ibig sa iyong buhay.
4. Para sa mga single pa: magsuot ng bagong underwear para makaakit ng love luck.
5. Bayaran ang lahat ng iyong mga utang bago sumapit ang Chinese New Year. Ito ay simbulo ng pagsasara ng talaan ng nakaraang taon at ng bagong simula.
Simulan natin ang bagong taon nang tama at positibo. Makipag-ayos tayo sa mga kapamilya na ating nakaalitan o nakatampuhan. Huwag tayong magtanim ng negatibong emosyon.
At siyempre, bumuo tayo ng mga plano o target ngayong bagong taon. Bukod sa magbibigay ito ng direksyon sa atin, makatutulong din ito upang matukoy natin kung ano ang mga bagay na importante sa atin, at pagsikapan nating ito ay makamit.
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 ng tanghali – 1:00 ng hapon tuwing Miyerkules). Maaari ninyo ring bisitahin ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter, at Kumu. Kung meron kayong mga suhestiyon, mag-email sa [email protected]
- Latest