Noong Enero 3 lang nagkausap si President Ferdinand Marcos at Chinese Prsident Xi Jinping na may kinalaman sa pangingisda ng mga Pinoy sa West Philippine Sea. Ayon kay Marcos, nangako si Xi na gagawa ng solusyon sa problema ng mga mangingisdang Pinoy. Gagawa rin umano ng paraan para hindi na maulit ang mga pangyayari na maaring humantong sa hindi pagkakaunawaan.
Nang kapanayamin si Marcos habang patungo sa Switzerland noong Lunes, siniguro nito na hindi pipigilan ng China ang mga mangingisdang Pinoy na manghuli ng isda sa traditional fishing grounds sa WPL. May kasunduan na umano na hindi pipigilan ng China ang mga mangingisdang Pinoy para mangisda. Pagtitiyak ni Marcos na papayagan ng China ang mga mangingisdang Pinoy.
Kamakalawa, sa TV interview sa isang mangingisdang Pinoy, hindi umano sila pinayagan ng China Coast Guard na makapasok sa Scarborough Shoal. Itinaboy umano sila. Nanlulumo ang mangingisda sa pangyayari. Walang ipinagkaiba sa mga nakaraan na pinagbawalan silang mangisda sa dati na nilang pinangingisdaan. Apektado na umano ang kanilang ikinabubuhay sa ginagawa ng China Coast Guard. Saan sila kukuha ng ipakakain sa pamilya?
Ang pangyayaring ito ay naghahatid na naman ng poot sa marami. Nasaan na ang pangako ng Chinese president na bibigyan ng solusyon ang problema ng mga mangingisdang Pinoy? Nalimutan na agad ang sinasabing kasunduan na ginawa noong nakaraang linggo lang? Nararapat nang maghain ng protesta ang Pilipinas sa nangyayaring ito na patuloy na pagpigil ng China sa mga mangingisdang Pinoy. Hindi talaga dapat paniwalaan o panghawakan ang sinasabi ng China. Hindi sila tumutupad sa kasunduan.
Kung patuloy ang kanilang pangangamkam sa napanalunang teritoryo ng Pilipinas, tiyak na patuloy din paggawa nila ng mga illegal structure sa WPS, partikular sa Panganiban (Mischief) Reef. Ang Panganiban Reef ay nakapaloob sa 370 kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas. Pero hindi ito kinikilala ng China.
Malaking hamon ang ginagawa ngayon ng China. Mula nang okupahin ng mga Chinese ang mga teritoryo sa WPS, maraming mangingisdang Pinoy ang problemado kung paano maitatawid ang kanilang buhay at pamilya. Hindi naman malilimutan ang sinabi ni Marcos Jr. noong Hulyo 2022, na hindi raw siya papayag na makatapak ang sinuman sa pag-aari ng Pilipinas. Hindi raw niya igi-give up kahit square inch ng teritoryo ng Pilipinas. Ipaglalaban umano niya ang soberanya ng bansa. Ngayon ito patunayan.