Para kay Senate Minority leader Koko Pimentel, may dayuhang puwersa na kumukontrol sa presyo ng sibuyas kaya napakataas ng presyo nito sa merkado. Itatanong marahil ninyo, paano mangyayari ito gayung mga magsasakang Pilipino ang nagtatanim ng sibuyas at wala namang kakulangan ng produktong ito sa mga pamilihan?
Kamakalawa, nagulantang ako sa isang napalathalang balita na may limang magsasaka ng sibuyas ang nagpakamatay dahil sa pagkalugi. Lubha umanong binabarat ng mga traders ang kanilang ani at hindi na sila kumikita.
Maaari ngang may foreign power na umoobliga sa pamahalaan na i-export ang ating sibuyas at pagkatapos aangkatin natin muli ito sa mataas na halaga. Suspisyon lang naman iyan na maaari ring hinalain nang marami.
Bakit kailangang umangkat pa ng sibuyas gayung hindi naman kinakapos sa ani ang ating mga onion planters? Ang ganitong patakaran sa importasyon ay literal na pumapatay sa mga magsasaka.
Dahil sa sobrang desperasyon sa pagkalugi, may ibang nagpapakamatay. Nakalulungkot. Nangyayari ito sa ibang produktong lokal na kahit hindi kailangang angkatin ay inaangkat ng gobyerno.
Ayaw kong isipin na kinukunsinti ito ni Presidente Marcos dahil tumatanaw ng utang na loob sa mga negosyante at ibang sektor na nag-ambag nang malaking halaga upang siya ay mailagay sa matayog na kapangyarihan. Mayroon din kayang foreign power na disimuladong umayuda sa kanyang pagkakalagay sa puwesto?