MULA pa Nobyembre 2022, bumabaha na ang smuggled na agricultural products sa maraming palengke sa Metro Manila. Nagtusak ang smuggled carrots sa mga palengke ng Blumentritt, Trabajo, Paco, Balintawak at ilan pang palengke sa Metro Manila. Galing ng China ang mga carrots na halatang smuggled dahil malalaki kung ikukumpara sa mga carrots na inani sa Cordillera. Umiyak ang mga nagtatanim ng carrots sapagkat naapektuhan nang malaki ang kanilang iniluluwas na produkto sa MM. Kung dati ay 300 sako ng carrots ang kanilang dinadala sa MM, naging 100 sako na lamang. Humingi sila ng tulong sa Department of Agriculture (DA) pero dedma lang.
Noong nakaraang Disyembre lalong lumakas ang smuggling ng agri products. Nawala ang smuggled carrots pero mga smuggled na sibuyas naman ang nagdagsaan. Bukod sa sibuyas, naging talamak na rin ang smuggling ng asukal at bigas. Kung saan-saang port idinaraan ang mga kontrabando.
Pinakamarami ang smuggled na sibuyas at magpahanggang ngayon, patuloy ang pagpapasok sa bansa nang napakaraming sibuyas. Habang dagsa ang smuggled na sibuyas, nagmahal naman ang presyo nito na umabot sa P700. Maraming umiyak dahil sa mataas na presyo ng sibuyas. Para raw bumaba ang presyo ng sibuyas, kailangang umangkat. Pinayagan ni President Marcos Jr. ang pag-angkat ng sibuyas sa kabila na magha-harvest na ngayong Enero.
Nakakapagtaka naman na walang mahuling bigtime smugglers ng sibuyas ang Bureau of Customs (BoC). Sa kabila na sunud-sunod ang paghuli at pagkumpiska sa smuggled onions, hindi nila masampahan ng kaso ang mga smuggler. Sa tagal nang panahon, wala ni isa mang nahuli o naipakulong na smugglers ang BoC. Sabi ng BoC noon, mayroon na silang 30 identified smugglers na kakasuhan. Nasaan na ang mga ito?
Noong isang araw, isang flight crew ang nahulihan ng ilang kilong sibuyas na pasalubong galing Dubai at Riyadh. Sasampahan daw nila ng kaso ang flight crew.
“Maliliit na isda” ang nahuhuli ng BoC. Sana mga “balyena” ang kanilang lambatin para matapos na ang smuggling.