HINDI maganda ang report ng United Nations Inter-agency Group for Child Mortality Estimation (UN IGME) na mahigit 60,000 mga bata sa Pilipinas ang namamatay bago pa sumapit ang kanilang ikalimang kaarawan. Ayon sa UN IGME, nagkakaroon ng kumplikasyon ang mga batang isinilang na wala sa tamang buwan, nagkakaroon ng intra-partum complications at infectious diseases. Mahigit 25,000 sanggol ang isinisilang sa Pilipinas taun-taon. Sinabi rin sa report na 5-milyong bata ang namatay sa buong mundo bago sumapit ang ikalimang taong kaarawan. Sa isa pang report, 2.1 milyong bata sa mundo ang namatay noong 2021 bago sumapit ang kanilang 5th birthday.
Kawawa ang mga bata na sa murang gulang ay pumapanaw na dahil sa iba’t ibang sakit. Kung hindi magkakaroon ng seryosong kampanya ang pamahalaan para mapangalagaan ang kalusugan ng mga bata, maaaring madagdagan pa ang sinasabing 60,000 na namamatay dahil sa sakit. Ang papel ng Department of Health (DOH) sa isyung ito ng mga bata ay lubhang mahalaga. May mahalaga ring papel ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mailigtas sa kamatayan ang mga bata. Karaniwan nang ang mga batang nasa mahihirap na lugar o squatters area ang nagiging biktima. Dahil sa kahirapan ng buhay, hindi na nagagawang maipagamot ang mga bata. Marami ring bata sa mga liblib na lugar sa bansa ang hindi nabibigyan ng atensiyon. Maaaring mas maaga pa silang namamatay—baka hindi na inaabot ng una nilang kaarawan.
Hindi lamang mga bata ang nararapat na bigyan ng atensiyon kundi pati na rin ang mga ina. Para magkaroon ng malusog na sanggol, kailangan ay may tamang nutrisyon ang ina. Ang anumang kinakain ng ina ay makukuha rin ng sanggol na nasa kanyang sinapupunan.
Mahalaga na maipaalala sa mga ina na pabakunahan ang kanilang mga sanggol laban sa tigdas, deptheria, polio at iba pang sakit. Mahalaga ang mga ito para mailigtas ang mga sanggol sa kamatayan. Hindi dapat ipagwalambahala ng mga magulang ang pagpapabakuna sa mga bata. Magkaroon din naman sana ng kampanya ang bawat barangay na mahikayat ang mga ina pabakunahan ang kanilang mga bagong silang na sanggol.