EDITORYAL - ‘Walang ngipin’ sa smugglers
Hindi masawata ang smuggling sa bansa. Noon pa man, ganito na ang nangyayari pero mas tumindi ngayon sapagkat halos lahat ng agricultural products ay naipapasok na sa bansa nang walang kahirap-hirap. Nakapagtataka na walang tigil ang pagpasok ng agri products na para bang wala nang takot ang mga smuggler. Kahit na ang ginagawa nila ay economic sabotage na may katapat na mabigat na parusa, balewala lang sa smugglers. Hindi na sila natatakot at ni hindi man lang bumabahag ang buntot. Nagpapakita lamang ito na walang ngipin ang pamahalaan laban sa smugglers at ganundin sa mga korap sa Bureau of Customs (BoC).
Noong nakaraang Nobyembre hanggang Disyembre 2022, bumaha ang smuggled agri products na kinabibilangan ng bigas, asukal, carrots, bawang at itong huli, sibuyas. Ang smuggling ng sibuyas ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Sa pagpasok ng 2023, milyun-milyong piso halaga ng sibuyas ang nasabat ng BoC. Noong Enero 3, nakasabat ang BoC ng saku-sakong sibuyas sa Port of Manila na nagkakahalaga ng P17 milyon. Itinago ang mga sibuyas sa talaksan ng mga damit na “ukay-ukay”. Tatlong shipment ng sibuyas ang nasabat ng BoC. Makalipas lang ang ilang araw, mayroon na namang nasabat na sibuyas ang BoC.
Habang marami ang nasasabat na sibuyas, patuloy din naman sa pagmahal ang sibuyas. Noong Disyembre, umabot sa P700 ang kilo ng sibuyas. Nakapagtataka na sapat naman ang suplay ng sibuyas. Noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ang bansa ng 21,060 metric tons ng sibuyas para mapunan ang kakulangan. Nang ihayag ang pag-angkat, may nasabat na namang milyong halaga ng sibuyas ang BoC.
Kamakalawa, asukal naman na galing Thailand ang nasabat sa Batangas Port. Walang kaukulang papeles ang 80,000 bags na asukal na nagkakahalaga ng P240 milyon. Bukod sa asukal, talamak din ang smuggling ng karne at isda.
Noong Huwebes, sinabi mismo ni President Ferdinand Marcos Jr. na talamak ang smuggling at hindi epektibo ang pamamaraan at sistema ng BoC para mapigilan ang smuggling. Payo ni Marcos Jr. sa ahensiya na magkaroon ng reporma upang masawata ang talamak na smuggling. Maghanap aniya ng epektibong paraan laban dito.
Malaking pera ang nawawala sa bansa dahil sa smuggling at kung hindi masasawata, saan pupulutin. Pinapatay din ng smuggling ang kabuhayan ng mga magsasaka. Panahon na para magkaroon ng ngipin laban sa smugglers.
- Latest