DAAN-LIBONG bata ang pinapatay ng malaria at dengue sa mundo taun-taon. Lamok ang sanhi ng dalawang salot. Pak! Todasin na.
May bagong bakuna kontra malaria na ineksperimento sa Burkina Faso, kung saan kalahati ng populasyon ay tinatamaan kada taon. Saliksik ang bakunang R21 ng Oxford University. Ang kaibahan nito sa mga dating bakuna ay ang pagsama ng adjuvant. Substance ito na nagpapalakas ng immune response, ulat ng Lancet. Una ‘yon ginamit ng Novavax para sa Covid-19 vaccine.
Halos 500 bata, edad 5-17 buwan, ang ininiksyunan. Tatlong primary shots isang buwan ang pagitan, tapos isang booster sa ika-12 buwan. Todong dose ng adjuvant ang binigay sa isang-katlo ng mga bata. Konting adjuvant lang sa ikalawang grupo. Rabies vaccine sa control group. Makalipas ang isang taon sinuri silang lahat.
Mas epektibo nang 80% ang bakuna na todo ang adjuvant; 71% sa konting adjuvant. Panalo! Katuwang ng Oxford ang Serum Institute of India. Kaya nitong gumawa ng 200 milyon bakuna kada taon.
Anang WHO, 100-400 milyon ang nagkaka-dengue fever kada taon. Mula ito sa kagat ng lamok na Aedes aegypti. Lamok na may mikrobyong Wolbachia pipientis ang ipangsusugpo. Winawasak nito ang dengue virus. Kung maikalat sa Aedes aegypti, ubos ang virus.
Sinubukan ito sa Yogyakarta, lungsod ng 300,000 tao sa Indonesia. Hinati ito sa 24 clusters. Sa 12, naglatag ng mga itlog ng lamok na may Wolbachia tuwing 2 linggo sa loob ng 28 linggo; sa 12, wala. Makalipas ang 10 buwan, 80% ng lamok ay nagka-Wolbachia na. Sinuri ang mga pasyenteng may lagnat. Sa 12 clusters na walang Wolbachia 9.4% ang nag-positive sa dengue. Sa 12 na may Wolbachia 2.3% lang. Bukod sa bagsak ng impeksyon, 86% din ng mga nilagnat ang hindi na inospital. Laking bawas sa bigat sa health care systems.
Magamit sana agad sa Pilipinas ang bagong pamuksa. Takot kasi ang Pilipino sa bakunang Dengvaxia.