‘Sports Capital of the Country’
BILANG katuparan ng aking pangako sa QCitizens, mayroon nang hindi lang isa kundi apat na first-class sports facilities ang ating lungsod sa makabagong Amoranto Sports Complex.
Noong Linggo, tayo ang nanguna sa pagpapasinaya at pag-inspeksyon sa mga nasabing pasilidad, kasama ang iba pang mga opisyal ng ating lungsod, sa pangunguna ni acting Vice Mayor Coun. Alex Bernard Herrera.
Saksi rin sa inagurasyon sina City Administrator Mike Alimurung, Councilors Imee Rillo, Egay Yap, Irene R. Belmonte, Nanette Castelo Daza, at SK Federation President Coun. Noe Dela Fuente, QC department heads, mga opisyal at kawani ng mga barangay, action officers ng bawat distrito sa lungsod, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Una sa ating pinasinayaan ang Amoranto Sports Arena, na mayroong 3,500 seating capacity kung saan puwede ng mag-host ang ating siyudad ng local at international competitions.
Maaari na ring mag-ensayo ang mga fitness buffs at atleta sa ating bagong Olympic-size swimming pool, na mayroong sampung lanes na ang standard ay akma sa mga kompetisyon.
Para sa mga pupuntang malalaking grupo na lalahok o manonood sa mga kompetisyon, naglagay tayo ng multi-level parking building na malaki ang kapasidad at kasya kahit mga bus.
Panghuli, binuksan din natin ang Open Tennis Court na parte ng ating Indoor Sports Facility, kung saan puwede nang ganapin ang iba pang sports gaya ng basketball, volleyball, badminton, billiards, table tennis, at darts.
Ang ating bagong pasilidad ay magsisilbi ring tahanan ng ating koponan sa Pilipinas Super League na Quezon City Beacons.
Bukod sa general public, bukas din ang ating pasilidad sa mga barangay at mga empleyado ng pamahalaang lungsod na nais magdaos ng sportsfest o di kaya’y iba pang events.
Sa tulong ng makabagong facilities na ito, tiwala tayo na uusbong sa ating lungsod ang mas marami pang mahuhusay na atleta na makapagbibigay ng karangalan, hindi lang sa Quezon City, kundi pati na sa buong bansa.
Bahagi ito ng aking pangarap na idagdag sa ating siyudad ang bansag na “Sports Capital of the Country”, bukod pa sa pagiging “City of Stars.”
Nagpapasalamat ako at katuwang ko ang mga opisyal ng ating lungsod at mga QCitizen sa pag-abot sa layuning ito.
Sa mga nais gumamit nito, maaaring i-check ang mga available na araw para makapag-pa-schedule sa 0919-4472324 o sa (8) 3742593. Isinasapinal na lang ang mga rate para sa mga nais mag-practice o group training.
- Latest